29 medals iniuwi ng Team Pilipinas sa Special Olympics World Games

Vivienne Napeñas, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Mar 24 2019 05:49 PM

Nag-uwi ng 29 medalya ang koponan ng Pilipinas sa katatapos lang na Special Olympics World Games sa Abu Dhabi.

Aabot sa 7,500 atleta mula sa 190 bansa ang lumahok sa 24 na sports.

Tatlumpu't siyam na atleta mula sa Pilipinas ang lumahok sa Special Olympics. Siyam na gintong medalya ang nakuha ng koponan sa walong sports na sinalihan nila.

"What our goal really is for makita na mag-level up 'yung mga athletes natin. Kasi once na makita mo ang result ng training at makita mong mag-perform, at par or mas mataas pa sa what you expect, okay na 'yun. So with medal or no medal, ang importante sa amin ay makita sila na mag-excel sa sports na pinili nila," ani Darvin Engracia, national sports director ng Philippine Special Olympics.

Nakakuha ng gold medal ang koponan sa futsal, 50-meter backstroke (swimming), ribbon-rhythmic gymnastics, ball-rhythmic gymnastics, badminton, 100-meter athletics, bocce at gymnastics all-around.

Masaya rin si Joaana Yabes na makuha ang gintong medalya sa powerlifting. Hindi umano siya kinabahan dahil ipinalagay niyang laro ang pagsali sa kompetisyon.

Buo rin ang suportang ibinigay ng Filipino community at Philippine Embassy sa United Arab Emirates sa mga Pilipinong atleta.

"We are very proud of our team. They did very well. Gain medals. There are 39 of them. Kami ay nakikiusap na tuloy tuloy ang suporta sa kanila," ani Ambassador Hjayceelyn Quintana.

Muling ipinakita ng mga atletang Pilipino ang kanilang determinasyon at kakayahan para abutin ang tagumpay.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.