Kahit may tapyas-budget: SEA Games hosting ng Pinas 'wala nang atrasan'

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

Iginiit ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHILSGOC) na tuloy ang pagdaraos sa bansa ng 2019 Southeast Asian Games (SEA Games) sa Nobyembre sa kabila ng umano'y kulang na budget para dito. 

"We are hosting the games, walang katotohanan na malilipat ang hosting sa ibang bansa. Challenges, yes [meron], pero we will find a way," ani PHILSGOC chair Alan Peter Cayetano.

Pero aminado si Cayetano na may hamon pa silang haharapin ukol sa budget. 

"May challenges po. Ang pinakamalaking challenge diyan ay budget dahil one-third ang tinapyas," dagdag niya. 

Ang unang hirit nilang pondo ay P9.5 bilyon para sa multi-sport event. 

Pero P7.5 bilyon lang ang inaprubahan ng Kamara, at tinapyasan pa ito ng 33 porsiyento ng Senado kaya't pumapatak na P5 bilyon lang ang pagkakasyahin nila. 

Kasalukuyan pa ring nakabinbin sa Kongreso ang 2019 national budget dahil sa mga kontrobersiya at bangayan ng mga mambabatas. 

Pero tiniyak ni Cayetano na hindi apektado sa budget row ang pagsasaayos ng mga lugar na pagdarausan ng SEA Games. 

Matatapos na daw sa Setyembre ang mga itinatayong sports venue sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Umapela si Cayetano na magkaisa ang sports leaders para maging matagumpay ang pagho-host ng bansa at performance ng mga atleta. 

Inaasahang mas paiigtingin ang paghahanda sa SEA Games simula Hunyo. 

-- May ulat nina Michael Delizo at Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.