TFC News

PH-Bahrain Goodwill Basketball Game dinagsa

TFC News

Posted at Mar 04 2023 11:39 PM

MANAMA - Muling napasaya ng Philippine-Bahrain Goodwill Basketball Game ang mga Pinoy sa Bahrain. Sa halos tatlong taon kasing walang laro dahil sa pandemya, nagkatapatan muli ang Philippine PBA All-Star Legends na kinabibilangan nina Team Coach Allan Caidic, Gherome Ejercito, Roger Yap Jr., John Ferriols, Cyrus Baguio, Ejay Fiehl, Sunday Salvacion, JJ Heltherbrand, Marc Pingris, at Rico Mairhofer kontra sa National Basketball Team ng Bahrain.

1
Manama PE photo

Ang 10th Philippines-Bahrain Goodwill Basketball Game ay muling nagbalik sa tulong ng Pinoy Bahrain Basketball League (PBBL) na ginanap noong February 16, 2023 sa Khalifa Sports City Stadium.

Ang Goodwill Basketball Game series ay nagsimula noong 2003. Huling nakapaglaro ang PBA Legends sa Bahrain noong 2019 at natigil lang dahil sa pandemya. Hindi magkamayaw ang libu-libong mga nanood na karamihan ay mga Pilipino.

2
Manama PE photo

Dumalo rin si H.H. Sheikh Isa bin Ali bin Khalifa Al Khalifa at mga opisyal ng Bahrain Basketball Association kasama ang Philippine Embassy officials sa pinakakaabangang basketball tournament.

Sa huli, bagama’t natalo ang PBA Legends sa Bahrain National Basketball Team sa score na 92-75, masaya pa ring pinalakpakan ng Pinoy fans ang PBA Legends. Ang PH-Bahrain goodwill match ay bahagi ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippines-Bahrain diplomatic relations ngayong taon.

3
Manama PE photo

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Bahrain, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.