PatrolPH

Mobile Legends: Lalim ng Nexplay lineup nais ibida ni coach Zico

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2022 01:48 PM

MAYNILA—May ilang pagbabagong ginawa ang Nexplay EVOS sa kanilang lineup pagpasok sa laban kontra world champion Blacklist International sa MPL Philippines Season 9. 

Sa larong ito, inalis muna si team captain Jeniel "YellyHaze" Bata-Anon at ipinalit si Emanuel "Elpizo" Candelaria. 

Pinasok din sa unang pagkakataon ngayong season si Renejay "Renejay" Bacarse na ginamit bilang roamer. Binalik din si John Paul "H2wo" Salonga sa laban matapos ipalit kay Michael “MP the King” Endino noong Linggo. 

Ayon kay head coach John Michael "Zico" Dizon, nasa plano talaga nilang ibandera ang lalim ng kanilang 10-man lineup na pinasok ngayong season. 

"Kasi ginagawa ko sa kanila dinedepende sa kalaban ang paglalaruin na players dahil lahat sila malakas wala ako mababang tinitignan," ani Dizon matapos ang kanilang panalo kontra Blacklist. 

Parte rin aniya ng kanilang plano na ipasok si Elpizo, na ipagtatapat sana sa inidolo nitong si Johnmar "OhMyV33nus" Villaluna, na nagpasyang hindi muna maglalaro sa Season 9. 

Makakaharap ng Nexplay ang Bren Esports alas-6 ng gabi ng Linggo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.