San Miguel officials: June Mar maaaring di makalaro buong 2020 PBA season

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 11:15 PM

Kalimutan muna niya ang basketball at kailangan muna niyang magpagaling, ayon kay San Miguel sports executive Alfrancis Chua patungkol sa injury ni June Mar Fajardo. Richard Esguerra, ABS-CBN Sports/file

Dahil sa tindi ng injury na tinamo ni June Mar Fajardo, maaaring hindi siya makapaglaro ngayong taon.

Nagkaroon ng complete fracture ang 5-time PBA MVP sa kaniyang kanang binti kamakailan lang. 

Inihalintulad ni San Miguel Beer team official Robert Non ang injury ni Fajardo sa naranasan ng NBA star na si Paul Gerorge.

"I don't think he can come back second conference or even third conference kasi matindi 'yung injury nya, parang Paul George," sabi ni Non sa artikulong ipinost sa PBA.ph.

"This year, ito ang pinakamabigat (para sa San Miguel). Normally nami-miss namin si June Mar 1 to 3 days, one week."

Kaya naman ayon kay San Miguel Corp. sports director Alfrancis Chua, hindi nila mamadaliin ang pagbabalik ni Fajardo.

Suportado ng koponan ang pagpapagaling ng kanilang superstar big man at handa silang magbigay ng sapat na panahon para makarekober siya ng tuluyan.

"Lahat ng oras na pwedeng ipagpahinga ni June Mar ibibigay namin. Kapag 110 percent na siya, that's the time he can practice, not play," ani Chua.

"Si June Mar ibang klaseng tao, napakabait, napakagalang, noong na-injured siya parang siya pa ang nahihiya na na-injured siya, gustong makatulong sa San Miguel at sa national team. Sobra-sobra na naitulong mo, sabi ko, magpahinga ka muna para pagbalik mo, mas malakas pa."

Dagdag pa niya, maaari ring matulad si Fajardo kay George na mas gumaling pa sa laro noong makabalik siya galing injury.

"Nu'ng bumalik (from injury), gumaling pa, di ba? So sabi ko kay June Mar, relax lang siya, enjoy itong pahinga, kailangan ng katawan niya ng pahinga," sabi ni Chua.

Matatandaang nagkaroon ng compound fracture sa kaniyang kanang binti si George noong 2014.

Nakapaglaro siyang muli noong sumunod na taon at nakapagtala pa ng mataas na scoring average sa kanyang pagbabalik.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.