KILALANIN: Batang Fil-Am na sumabak sa NBA celebrity games

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 09:18 PM

Isang binatilyong Filipino-American ang napabilang sa hanay ng mga celebrity player na sumabak sa NBA All-Star Celebrity Game.

Kahit pinakamaliit sa mga celebrity player, marami ang humanga sa kakayahang mag-basketbol ni Miles Brown, ang 12 anyos na actor-singer mula sa TV show na "Black-ish."

May lahing Pinoy si Brown at sa katunayan ay pawang mga Pilipino ang gumawa ng music video para sa kaniyang bagong awiting "NBA."

"They're really just great people. I'm just really excited to share the video with everyone and to see the final process of it," ani Brown.

(Kahanga-hanga sila. Sabik lang akong ibahagi at mapanood iyong video.)

Itinanghal din ni Brown ang "NBA" sa isa sa mga aktibidad ng NBA All-Star Weekend, na serye ng mga basketball event at exhibition.

Bahagi ng mga aktibidad ng All-Star Weekend ang All-Star Celebrity Game kung saan itinatampok ang mga aktor, mang-aawit, at atleta mula sa ibang sport maliban sa basketbol.

Kabilang sa iba pang lumahok dito ang pop superstar na si Justin Bieber, aktor na si Jamie Foxx, at si Michael B. Jordan mula sa pelikulang "Black Panther." 

Ang rapper na si Quavo naman ang itinanghal na "most valuable player" o MVP mula sa mga celebrity player.

Para sa mga celebrity, panahon ito para maipakita ang pagmamahal nila sa larong basketbol.

"There's like a poetry, honestly. It's a team sport and things just kind of flow and you just gotta flow with the game. It's beautiful," ani Jordan.

(Parang may tula, sa totoo lang. Team sport siya at parang umaagos lang ang lahat. Sumunod ka lang sa daloy ng laro. Ang ganda.)

"For me, this is a great gift that American culture is giving the world. It's a lot like music, a lot of communication between players without talking," sabi naman ni Flea mula sa bandang Red Hot Chili Peppers.

(Isa itong magandang regalo ng kulturang Amerika sa mundo. Para siyang musika, may komunikasyon sa mga manlalaro kahit 'di nag-uusap.)

-- Ulat ni Yong Chavez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.