Jerwin Ancajas nagbalik-Pinas matapos ang matagumpay na laban sa US

Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 08:07 PM

Nakabalik na sa Pilipinas ang defending IBF junior bantamweight champion na si Jerwin Ancajas matapos ang matagumpay na world title defense sa Amerika.

Kitang kita ang ngiti sa mukha ng Team Ancajas matapos ang matagumpay na US debut ng Pinoy kung saan na-defend niya ang kaniyang belt sa Mexicanong si Israel Gonzalez.

“Masayang masaya kami ng buong team lalo na naging maganda pa ang resulta. Bukas birthday ng apo ni coach kaya maghahanda kami. Ngayon po pahinga muna dalawang linggo bago bumalik sa training,” ani Ancajas.

Ayon kay Ancajas sobrang happy sila dahil tamang tama ang strategy nila para sa laban. Panalo via knockout si Ancajas sa 10th round pero una na niyang napabagsak si Gonzalez sa Round 1. 

“Balak ko talaga na slowly but surely kasi alam ko na lalaban pa s’ya at may lakas pa kahit napabagsak ko na. Sumugod pa nga s’ya agad nung bumagsak s’ya eh,” kwento ni Ancajas.

“Nu'ng Round 10 relaxed muna para du'n na kami sa 2 huling round sana bubuhos. Sabi nila sa'kin pahinga ka muna sa Round 10. Hindi namin alam na du'n pala talaga tatama ng maganda.” 

Matapos ang magandang resulta ng kanyang US debut nababalitang ang susunod nyang kalaban ay ang kapwa Pinoy na si Jonas "Zorro" Sultan. 

“Para sa'kin karangalan na kapwa Pinoy na boksingero pero malungkot din kasi may isa na babagsak,” aniya.

Tungkol naman sa pagkukumpara kay Manny Pacquiao, ayon kay Ancajas, kasabay ng karangalan maihambing sa 8 division world champion, may pressure rin daw sa kanya.

“Nape-pressure po ako kasi talagang ikukumpara kay sir Manny. Ako po hangga’t makakaya ko kung ano man ang magawa ko sa boxing yun nalang po,” ayon kay Ancajas.

Sa ngayon magse-celebrate muna ang Team Ancajas kasama ang kanilang pamilya bago mag-focus sa mga improvements na kailangang gawin para sa susunod na laban. 

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.