Jerwin Ancajas, umaasang magiging tulad ni 'Pacman'

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 07:33 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umaasang balang araw ay mahihilera kay Manny "Pacman" Pacquiao si Jerwin "Pretty Boy" Ancajas matapos ang matagumpay niyang pagdepensa sa IBF junior bantamweight belt nitong Linggo (araw sa Maynila) kontra kay Israel "Jiga" Gonzales ng Mexico.

Sa isang panayam ni Bernardo Osuna ng ESPN, natanong si Ancajas ukol sa mga pagkukumpara sa kaniya kay Pacquiao.

“Hindi ko talagang naiisip na ikinukumpara ako kay Sir Manny, pero sinisipagan ko sa laban para kahit kaunti man lang maging katulad ni Sir Manny," tugon ni Ancajas.

Gusto rin ni Ancajas na makarating sa antas ng mga tinitingala sa 115-pound division tulad nina WBA champion Khalid Yafai, WBC champion Srisaket Sor Rungvaisai, at WBO king Naoya Inoue.

“Highest level na rin po ang kalidad nila. Kino-consider ko na mas mababa na champion ako sa kanila pero pinagsisikapan ko na mapantayan sila," ani Ancajas.

Sa labang idinaos sa American Bank Center sa Corpus Christi, Texas, nagwagi si "Pretty Boy" matapos ma-knockout o mapatumba si Gonzales sa ika-10 round.

Ito ang unang pagkakataong lumaban si Ancajas sa Amerika at pang-apat na beses na dinepensahan ang nasabing titulong napanalunan niya noong 2016.

Umakyat ang kaniyang rekord sa 29 panalo, isang talo, at isang tabla.

 Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.