Mario Chalmers pangungunahan ang Valientes sa 3rd leg ng ABL Invitational

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2023 11:51 PM

Zamboanga Valientes FB
Mula sa Zamboanga Valientes Facebook page

Handa nang sumabak ang Zamboanga Valientes sa ikatlong leg ng ASEAN Basketball League Invitational na magsisimula sa Sabado sa Kuala Lumpur.

Tampok ang ABL debut ni dating 2-time NBA champion Mario Chalmers para sa Valientes na sasagupa laban sa Macau Black Bears sa MABA Stadium.

Matatandaang napapirma ng Valientes ang dating teammate ni LeBron James sa Miami Heat para mag-improve sila mula sa 3-5 record sa torneyo.

Hahalili si Chalmers sa dating Zamboanga import na si Will Deng. 

"Sobrang excited and masaya kami lalo't makakasama namin ang isang two-time NBA champion," sabi ni Valientes team owner na si Ronaldo Junnie Navarro.

Aniya, gaganahang maglaro ang buong koponan dahil may kasama silang NBA legend.

"Isang inspirasyon sa mga players ng Valientes lalo para sa mga local namin na makakasama na nila ang dating teammate ni Lebron," anang team owner.

Lumapag na sa Kuala Lumpur ang Valientes nitong Biyernes matapos ang isang linggong preparasyon sa Baguio City.