PatrolPH

Pingris gustong tumulong sa Gilas coaching staff ni Chot Reyes

Rey Joble

Posted at Feb 03 2022 03:39 AM

Matapos opisyal na i-anunsiyo ang kaniyang pagreretiro bago magsimula ang PBA season at gawaran ng pagkilala ng old Purefoods franchise bilang isa sa pinakamagaling nitong manlalaro, hindi pa rin umaalis si basketball legend Marc Pingris sa basketball.

Kamakailan lang, hinirang siya bilang bagong commissioner ng bagong ligang Pilipinas Super League.

Nauna rito, binigyan siya ng parangal ng dting Purefoods franchise matapos iretiro ng koponan ang kaniyang jersey kasama si Peter June Simon, isa sa mga player na pinakamatagal niyang nakasama at kabilang rin sa 2014 grand slam team ng San Mig Coffee, na siyang dinala ng prangkisa walong taon na ang nakakaraan.

Sa kaniyang pag-aanunsiyong magretiro sa paglalaro sa kanyang koponan, nagbalak ring sumubok si Pingris na maglaro muli kung saan pinlano nila ni Simon na sumali sa Nueva Ecija team sa MPBL, pero hindi itinuloy ang kanyang naunang desisyon dahil gusto niyang sumalang na nasa mas mabuting kundisyon.

Halos 3 taon na simula noong huling sumalang sa active competition si Pingris, pero dahil sa kanyang sunud-sunod na injuries, napilitan itong magretiro.

Sa kanyang bagong papel bilang commissioner, malaki ang kaniyang kinakaharap na hamon, kabilang na rito ang pagbabago ng imahe ng liga.

Matatandaang nagkaroon ng kontrobersiya sa liga ng VIsMin Cup kung saan inalis sa liga ang Siquijor Mystics at sinuspinde ang ilang players ng ARQ Builders-Lapu-Lapu City-Heroes.

Wala man sa aktibong kumpetisyon si Pingris, nais pa rin niyang manatili sa larangan ng basketball at ibalik ang integridad sa sports na kaniyang minahal.

Sa mga nakalipas na araw, laman ng headlines si Chot Reyes, na na-appoint muli bilang head coach ng Gilas Pilipinas at palitan ang nagretirong si Tab Baldwin.

Si Reyes ay dating coach ni Pingris noong naglaro ito sa Gilas Pilipinas kung saan nakapasok sila sa World Cup noong 2014.

Sa pagbabalik ni Reyes bilang head coach ng national squad, nagpakita ng pagnanais si Pingris na tumulong sa kaniyang dating mentor at gabayan ang bagong henerasyon ng Gilas players.

"Gusto kong tumulong. Kahit taga-bigay nga lang ng bola sa kanila eh," sabi ni Pingris sa kaniyang ekslusibong payahag sa ABS-CBN News. "Pero willing akong tumulong at open naman ako kung saan ako puwedeng ilagay."

"Kung makakapag-usap kami ni Coach, tutulong kaagad ako sa Gilas."

Isa si Pingris sa mga kinilala bilang haligi ng Gilas team na gumawa ng kasaysayan noong 2013 FIBA Asia Championship kung saan tinalo ng Pilipinas ang South Korea at tapusin ang "Korean Curse."

Pero mas importante ang pagkapanalo nila sa itinuturing na pinakamahigpit na karibal sa Asya dahil nagawa ring pumasok ng Pilipinas sa World Cup sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang 40 taong paghihintay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.