PatrolPH

PANOORIN: Mga eksena sa Lakers game na alay kay Kobe Bryant

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 07:31 PM

Watch more News on iWantTFC

Wala pang isang linggo matapos ang malagim na pagpanaw ni Kobe Bryant, kaniyang anak, at 7 iba pa sa isang helicopter crash, binigyang-pugay sila sa isang home game ng Los Angeles Lakers kontra Portland Trail Blazers.

Napuno ang Staples Center sa Los Angeles, California ng fans, suot ang kanilang t-shirt na may kinalaman kay Bryant.

Nakasuot din ng Bryant jersey ang mga manlalaro ng Lakers, na pinangungunahan ni LeBron James.

Nagreserba din ng 2 court side seats para sa mga jersey nina Bryant at anak nayang si Gianna.

Sa nasabing puwesto umupo ang mag-ama sa huling panonood nila ng Lakers game noong Disyembre 29.

Umawit ng "Amazing Grace" ang singer na si Usher habang palabas ang iba't ibang tribute videos.

Sinundan ito ng classical cello number mula kay Ben Hong ng LA Philharmonic kasabay ng pagpapalabas ng ilang career highlights ni Bryant, hanggang sa huling laro nito at huling mensahe sa Staples Center noong 2016.

Bago ang laro, nagsalita sa harapan ng libo-libong fans si James, na nangakong itutuloy ang sinimulan ng 5-time NBA champion.

"I look at this as a celebration tonight. This is a celebration of the 20 years of the blood, the sweat, the tears, the broken-down body, the getting up, the sitting down, the everything, the countless hours, the determination to be as great as you could be," ani James.

"I wanna continue along with my teammates to continue his legacy. Not only for this year, but as long as we can play the game of basketball that we love, because that's what Kobe Bryant would want."

Sa labas ng Staples Center, nagbigay-pugay kay Bryant ang ilang fans.

Kabilang dito ang ilang Pinoy.

"Lots of fans are mourning. They’re still grieving, he was a hero to this city," ayon kay Jacob Evangelista.

Natalo sa laro ang Lakers, 119-127, pero baon nila ang "Mamba Mentality" na sinimulan ni Bryant patungo sa pagiging NBA champion.

-- Ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.