NBA: Posible kayang lumipat si LeBron sa Warriors?

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 08:46 PM

Kung makakahanap ang Golden State Warriors ng paraan para alukin si LeBron James ng tinatawag na “maximum salary,” may tsansa umanong pakikinggan ni James ang alok ng defending champions.

Ayon sa artikulo ni Chris Haynes, reporter sa ESPN.com, hindi tatanggihan ni James kung magyaya man ang Warriors sa isang meeting, dahil nirerespeto umano ng “the King” ang “winning culture” ng koponan.

Anonymous sources ang kino-quote ni Haynes sa kaniyang storya at, giit ni Haynes, walang indikasiyon na kinokonsiderang ligawan ng Warriors si James.

Inaasahang pipiliin ni James maging unrestricted free agent pagkatapos ng kasalukuyang season na magbubukas ng maraming options para sa kaniya, kasama na rito ang pananatili sa Cleveland Cavaliers.

Ngunit di kaila sa madla ang malamig na pakikitungo ni James sa may-ari ng Cavaliers, si Dan Gilbert.

Mahalaga umano sa grupo ni James ang isang stable na organisasyon, isang angking katangian ng Warriors.

Kung aakitin ng Warriors na lumipat sa Bay Area si James, maaari umano nilang pakawalan si Klay Thompson at Andre Iguodala para sa Cavaliers at dapat pumayag si Kevin Durant na tumanggap ng mas mababang sahod sa kasulukuyang $25 million, o katumbas ng mahigit P1 bilyon, sa kaniyang kontrata.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.