Kobe Bryant inalala ng Pinoy fans sa mga mural, memorabilia

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 12:46 PM

Kanya-kanyang paraan ang Pinoy fans ni Kobe Bryant para bigyang-pugay ang yumaong basketball icon.

Sa Baguio City, gumuhit ng mural sa loob ng kaniyang gym sa Barangay Kagitingan si Jed Gallardo para sa idolo.

Mural ni Kobe Bryant na ginuhit ng isang fan sa loob ng kaniyang gym sa Baguio City. Micaella Ilao, ABS-CBN News

Ikinuwento ni Gallardo na bata pa lang siya ay pinapanood na niya ang basketball star kaya masakit para sa kaniya ang biglaang pagpanaw nito.

Ipina-tattoo naman ni Carlo Carpsyo, isa rin fan mula Baguio, ang larawan ng NBA legend sa kaniyang braso.

"Everything that I do is into detail. Parang si Kobe, kapag naglalaro siya talagang detalyado," aniya.

Ibinida naman ng 27 anyos na si Jeffrey Concepcion mula Cabuyao, Laguna ang koleksiyon ng mga memorabilia ni Bryant.

Kabilang sa koleksiyon ni Concepcion ang mga figurine, sombrero, jersey, sapatos at maging doormat.

Ibinida ng isang Kobe Bryant fan mula Laguna ang kaniyang memorabilia ng NBA superstar.Merwin Javier, ABS-CBN News

Ibinida ng isang Kobe Bryant fan mula Laguna ang kaniyang memorabilia ng NBA superstar.Merwin Javier, ABS-CBN News

Ibinida ng isang Kobe Bryant fan mula Laguna ang kaniyang memorabilia ng NBA superstar.Merwin Javier, ABS-CBN News

Ayon kay Concepcion, idolo niya si Bryant mula noong siya'y 8 taong gulang.

Ang NBA superstar din daw ang nagtulak kay Concepcion para maging varsity basketball player noong high school at kolehiyo.

Sa Valenzuela City, matatagpuan naman ang isang convention center na binansagang "House of Kobe."

Mural ni Kobe Bryant sa basketball court sa loob ng isang convention center sa Valenzuela City. Mark Demayo, ABS-CBN News

Pinasinayaan ang naturang convention center noong Linggo, isang araw bago mamatay ang sikat na basketbolista.

Binigyang-pugay din si Bryant noong Lunes sa pamamagitan ng mga purple at gold na pailaw ng mga mall gaya ng SM Mall of Asia at Uptown Mall sa Taguig.

Sumugod din sa Araneta Coliseum noong Lunes ang mga tagahanga ng "Black Mamba" para gunitahin ito.

Pumanaw si Bryant sa edad na 41 noong Lunes (Manila time) matapos bumagsak ang sinasakyan niyang helicopter sa Calabasas sa California, United States.

Kasamang namatay ni Bryant ang kaniyang 13 anyos na anak na si Gianna at 7 iba pa.

-- May ulat nina Micaella Ilao at Merwin Javier, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.