Pacquiao sa kaniyang bagong basketball league: ‘Hindi kakompetensya ng PBA’

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 08:08 PM | Updated as of Jan 26 2018 03:44 AM

Manny Pacquiao says the Maharlika Pilipinas Basketball League, which opened Thursday night, won't be competing with the PBA. George Calvelo, ABS-CBN News

Parañaque tinaob ang Caloocan sa kauna-unahang laro sa MPBL 

(UPDATED) Iginiit ni Manny Pacquiao ngayong Huwebes na hindi itinayo ang bagong Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) para kalabanin ang Philippine Basketball Association.

Si Pacquiao ang itinuturing na founder ng MPBL, isang bagong liga na ang pangunahing layunin ay makapagbigay ng pagkakataon sa mga di pa nakakapag-pro na basketball player na nagnanais makalaro sa isang prestihiyosong kompetisyon.

"Ngayon pa lang gusto kong ipaalam sa inyo na iba ang set-up nitong liga na ito. Hindi tayo kokompetensiya sa Philippine Basketball Association," ani Pacquiao sa opening ng liga sa Araneta Coliseum.

Habang "grassroots" ang MPBL, o mas tutok sa mga manlalarong nagsisimula pa lang, di rin naman nito isasara ang pinto sa professional players na gusto pang maglaro sa kompetisyong top level, kabilang dito ang dating PBA players.

"With the help of everyone, we envision the MPBL to become a top-notch basketball league for our masses, providing for underprivileged basketball players the needed exposure and aiding them to reach superstardom while opening up opportunities for PBA players to extend their basketball careers," wika ni Pacquiao.

Huling naiugnay ang pangalan ni Pacquiao sa basketball noong siya'y nag-playing coach sa koponang Kia sa PBA. 

Natapos ang kontrata niya sa Kia noong Agosto at lumabas pa ang mga balita na may interes ang isa pang koponan, Blackwater, na gawin siyang coach nito.

"Maliban sa boxing, chess at billiards, malapit sa puso ko ang basketball," dagdag ni Pacquiao. 

Samantala, sa kauna-unahang laro sa MPBL, tinalo ng Parañaque Patriots ang Caloocan Supremos 70-60.

Nakapagtala ng 20 points si Gabriel Dagangon, dating player ng Perpetual Help, at 14 points naman para kay University of Santo Tomas alumnus Jemal Vizcarra para pangunahan ang Parañaque.

Si Donald Gumaru, na dating taga-Arellano, at Mar Villahermosa, na naglaro sa San Beda, ay umiskor ng 11 points para sa Caloocan.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.