Mula PBA, ex-Kia coach Chris Gavina lumipat sa Maharlika Basketball League

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 05:02 AM

MANILA—Halos isang buwan matapos magbitiw sa Kia Picanto sa PBA, magbabalik si Chris Gavina sa pagko-coach upang igiya ang koponan ng Valenzuela sa magbubukas na Maharlika Pilipinas Basketball League.

Sa pagtitipon ng mga coach, team manager, team owner at pamunuan ng liga, ipinakilala si Gavina bilang head coach ng lungsod. Ito ay sa kabila ng kaniyang pag-alis sa Kia noong Disyembre upang pagtutuunang-pansin ang produksyon ng kaniyang power drink.

Inamin ni Gavina na nagdalawang-isip siya bago tanggapin ang posisyon pero pinilit siya ng team manager ng koponan na kunin ito. Natulog pa aniya siya sa kanilang bahay.

“The opportunity is here. They give me another case where I can expend myself in these unknown, unheralded players to improve and get a chance to get more exposure for themselves,” ani Gavina sa ABS-CBN News.

Sinabi rin niya na saglit pa lamang niya nakakasama ang koponan bilang punong-tagapagsanay, kabilang na rito ang unang tuneup game nila kontra Letran kaya naman hindi pa niya kilala ang lahat ng kanyang mga manlalaro.

“I just received the call 4 days ago. I still even don’t know all my players' names yet. I think I had two full practices before we had a first tuneup with them versus Letran. The guys picked up whatever I implemented offensively and defensively. Everyone is really upbeat,” ayon kay Gavina.

Ipinahayag din niya na hindi niya kayang tuluyang iwan ang mundo ng basketball dahil natural sa kaniya ang pagiging competitive. Kaya mas pinili niyang bumalik sa laro. 

“I took a short break. I can’t stay way from what I love doing the most for too long. I’m going to go crazy in the house. I got into coaching to try to impact as many lives as I possibly can,” dagdag pa niya.

Naging pabor din sa kaniya ang ikli ng liga dahil ito ay tatagal lamang ng tatlong buwan kaya hindi aniya ito matatali sa mahabang kontrata. 

Karamihan sa magiging manlalaro niya sa Valenzuela ay mga galing mismo sa siyudad na sasamahan ni Paolo Hubalde. Iba man kumpara sa mga basketbolista sa PBA, humanga naman si Gavina sa determinasyon ng kanyang baguhang koponan na matuto.

“I like the fact that everybody is willing to put in the work and really just commit to our system. The limited time I’ve been there, their willingness to work is the culture that I want to set in. Kia was the same way,” ani Gavina. 

Aarangkada ang MPBL simula Enero 25 kung saan magbubukas ito sa Araneta Coliseum tampok ang bakbakan sa pagitan ng Parañaque Compatriots at Caloocan Supremos. Ang mga sumunod na laro ay magiging home and away format. 

Mapapanood ang mga laro sa S+A channel 23 tuwing Martes, Huwebes at Sabado sa ganap na 7 PM hanggang 11 PM.