‘Dog years na’: Career ni Pacquiao nakataya kontra Broner, ayon sa isang analyst

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 06:15 AM | Updated as of Jan 19 2019 06:43 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang isang boxing analyst na nakataya ang career ni Senador Manny Pacquiao sa kaniyang papalapit na bakbakan kontra Adrien Broner sa Sabado, Enero 19 (Enero 20 sa Pilipinas). 

Ayon sa boxing analyst na si Ed Tolentino, maituturing kritikal na edad sa boksing ang edad ni Pacquiao, na nagdiwang ng kaniyang ika-40 kaarawan noong Disyembre. 

Hindi rin daw dapat maliitin ang pagiging four-division champion ni Broner. 

"Ito ang kaniyang unang laban as a 40-year-old boxer. Alam po natin kapag 40 years na sa boxing, ito na ay dog years, kaya medyo minamanmanan natin kung ano ang performance sapagkat kritikal ito sa kaniyang boksing career," ani Tolentino sa radyo dzMM. 

Sa kabila nito, ayon kay Tolentino, maaaring lumamang si Pacquiao sa mga personal na isyung hinaharap ngayon ng Amerikanong boksingero. 

"Going into this fight marami siyang problemang domestic at legal, may mga kaso siyang kinahaharap, may weight issues siya," dagdag ni Tolentino. 

Hindi pa nakakatikim ng knockout si Broner sa kaniyang mga laban. Pero ayon kay Tolentino, liyamado pa rin si Pacquiao kung pag-uusapan ang bilis sa pagsuntok. 

"Itong si Broner mabagal sumuntok, matagal bumira kasi masyado siyang naghihintay . . . Puwede ka bumaba ng ring, bumili ng hotdog at pagbalik mo sa ring pumoporma pa siya," ani Tolentino. 

Dagdag niya, kayang tapusin ni Pacquiao ang laban sa loob ng 10 round at maging kauna-unahang boksingero na magpapatumba kay Broner, na nakuha ang kaniyang tatlong pagkatalo sa pamamagitan ng decision. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.