Balbas ni Adrien Broner, aahitin bago ang laban kontra Pacquiao

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 09:04 AM | Updated as of Jan 18 2019 09:24 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang araw bago ang inaabangang laban sa Amerika, maaaring ipaahit ng Nevada State Athletic Commission ang makapal na balbas ni Adrien Broner bago ito tumuntong sa ibabaw ng ring sa Linggo kontra sa ‘Pambansang Kamao’ Manny Pacquiao. 

Ayon sa ulat ng Dyan Castillejo ng ABS-CBN News, titingnan ng NSAC ang naturang balbas dahil sa umiiral na patakarang kinakailangang “clean and tidy” ang mga boksingerong maglalaro sa Nevada. 

Ang nasabing komisyon ang tumitingin kung may mga buhok sa katawan ng manlalaro na maaaring maging sanhi ng kapahamakan o panganib sa katunggali nito. 

Inamin naman ng isa sa mga tagapagsanay ni Pacquiao na si Buboy Fernandez na ipinaalam na nila ang kaso ni Broner sa Athletic Commission lalo pa’t maaaring maging cushion ang makapal na balbas ng kalaban ni Pacman kapag nagtapat na sila sa MGM Grand Garden Arena. 

Ngunit bago pa man kausapin ng komisyon ang kampo ng Amerikanong boksingero, sinabi na ng coach nito na alam ng kaniyang atleta ang patakaran sa isport at ang nasabing balbas ay para lamang sa kanilang ensayo. Aahitin umano ito ni Broner bago ang laban. 

Samantala, nauna nang sinabi ng kampo ni Pacquiao na magpapahinga na ang senador sa ensayo mula ngayong araw upang maipon ang lakas sa Linggo. 

Ngunit ilang oras lang matapos ang ulat, muling tumakbo si Pacquiao sa oval ng University of Nevada, Las Vegas bago ang ilan pang workout activities na tumagal ng 25 minuto. 

Kauting shadow boxing lang din ang gagawin ni Broner ngayong araw bago dumalo sa mga satellite interview. 

Matapos harapin ang mga nakapilang panayam, dadalo si Pacquiao sa isang bible study sa kabilang hotel para sa mas malaking lugar na maaaring maglaman ng 400-500 katao. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website