Balik praktis: Arwind Santos, nangakong iiwas na sa gulo

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 05:19 PM

Natuto na raw si Arwind Santos pagkaraan ng suspensyon. PBA Images

Nangakong iiwas na sa gulo si Arwind Santos matapos tanggalin ang suspensyong ipinataw sa kanya ng San Miguel Beer makaraang masali sa away ng mga kasamahan sa team.

Matatandaang ginawaran siya ng indifinite suspension kasama nina Ronald Tubid at Kelly Nabong dahil sa kanilang rambol kasama ang import na si Dez Wells noong Nobyembre.

Nito lang Martes nakabalik ng practice ang dating PBA MVP, baon ang mga aral na napulot niya sa suspensyon.

“’Yun ang challenge sa akin for this year, matuto ako. Kailangan mas lalo akong mag-pursigi dahil ‘yun ‘yung goal namin," ani Santos sa Spin.ph

"Kaya ito, natuto ako at nangako ako rin na hindi na ‘ko gagawa ng kahit anong mga trouble dito."

Ang kanilang suspensyon, kasaama na ang biglaang pag-alis ni Wells sa koponan, ang sinasabing naging dahilan kung bakit hindi na nakaabot pa ng PBA Governors Cup finals ang San Miguel.

Bago ang sigalot, napatawan na ng P200,000 fine ang kontrobersyal na Beerman dahil sa kanyang racist taunt laban kay TNT import Terrence Jones.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.