PatrolPH

Pacquiao sa pagdating sa Las Vegas: ‘Nice to be back here’

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 09:36 PM | Updated as of Jan 15 2019 11:58 PM

Watch more on iWantTFC

Nang makarating sa Las Vegas dalawang taon ang nakalipas matapos ang kaniyang huling laban sa Amerika, nadama raw ni Senador Manny Pacquiao na "na-miss" niya ito.

Ito ay matapos lumayag ng boksingero mula sa Los Angeles, California para sa kaniyang nalalapit na laban kontra Adrien Broner sa Enero 19 (Enero 20 sa Pilipinas).

"I missed this, It's nice to be back here," aniya nang tanungin kung nami-miss niya ang Las Vegas.

Gayundin ang nararamdaman ng asawa niyang si Jinkee.

"Happy talaga to be back!" aniya.

Higit limang oras ang inabot ng biyahe nilang magkakamag-anak pa-Las Vegas.

Karga ni Pacquiao ang bunsong anak na si Israel pagdating sa kanilang suite sa MGM Grand Hotel.

Nang makarating, ikinatuwa ng eight-division champion ang kaniyang 500 square meters na suite na may billards table at piano, na agad niyang pinatugtog.

Nakatakda kinabukasan ang opisyal na grand arrival ceremony para kay Pacquiao at Broner.

Huling lumaban si Pacquiao sa Las Vegas noong Nobyembre 5, 2016 nang manalo ito kontra kay Jessie Vargas sa Thomas and Mack Center.

Rain or shine, ensayo pa rin

Bago tumulak patungong Las Vegas, hindi nagpatinag si Pacquiao sa sama ng panahon para mag-training sa mga hagdan ng Griffith Park sa Los Angeles.

Dalawang oras ding sinara ang training sa Wild Card Gym para makapag-ensayo ang boksingero.

Ayon sa coach ni Pacquiao na si Buboy Fernandez, kahit intense ang mga training ni Pacquiao ay nagbigay rin sila ng araw para magpahinga ito.

Ikinatuwa rin ni Fernandez na nakasama nila muli ang dating mainstay coach ni Pacquiao na si Freddie Roach para sa nasabing laban bilang consultant.

"Siya 'yung guro mo na tinuturuan ka, at least kahit papaano naandyan siya sa iyo na gina-guide ka niya," aniya nang tanungin tungkol kay Roach.

Ayon pa kay Fernandez, kailangang ungusan nang maaga ni Pacquiao ang kaniyang 29-anyos na kalaban para makalamang.

Para naman kay Pacquiao, perfect na ang kaniyang kondisyon at excited na siya para sa kaniyang laban.

Ipagtatanggol ni Pacquiao ang kaniyang WBA welterweight championship belt laban sa Amerikanong si Broner sa MGM Grand Garden Arena.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.