PBA: ‘Iron Man’ record, malapit nang mabingwit ni LA Tenorio

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2019 02:08 AM

Walong laro na lang at makukuha na ni Barangay Ginebra point-guard LA Tenorio ang record para sa most consecutive games played sa PBA.

Hawak pa rin ni Alvin Patrimonio ang marka na nasa 596 na magkakasunod na laro sa pagitan ng 1992 hanggang magretiro siya sa paglalaro noong 2004.

Ayon kay Tenorio, malaking bagay para sa kaniya kung sakaling malagpasan niya si Patrimonio at makuha niya ang titulong "Iron Man" ng liga.

"I saw him play before and go-hard siya kung maglaro kahit na iba 'yung physicality that time, so I'm gonna be very happy 'pag nakuha ko 'yun," ani Tenorio sa isang artikulong ipinost sa PBA.ph.

"For me, that's gonna be my MVP trophy kasi hindi madaling gawin 'yun dahil maraming factors." 

Never umabsent si Tenorio sa mga laro mula nang siya ay idraft ng San Miguel Beer noong 2006.

Lumaro siya ng kabuuang 589 career games sa San Miguel (2006-2008), Alaska (2008-2012), at Ginebra (2012-present).

Ngunit higit sa pagiging "Iron Man," mahalaga pa rin kay Tenorio ang makopo ng Ginebra ang kampeonato ng Philippine Cup.

"My focus is really to get my first All-Filipino championship sa PBA," aniya. "Sana mabigyan ng chance na darating yung record tapos manalo kami ng All-Filipino, it's gonna be a perfect time talaga."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.