ABL: Sigaw ng ‘Gi-ne-bra,’ bumati kay Justin Brownlee sa paglipat ng liga

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 05:46 AM

Kasama ng PBA-level performance, dala rin ni Justin Brownlee ang #NSD spirit sa paglipat niya sa ABL. Courtesy of ABL website

Kinuha ng Tanduay Alab Pilipinas si Justin Brownlee para palakasin ang kampanya nito sa ASEAN Basketball League.

Kasama ng PBA-level performance, dala rin niya ang #NSD spirit sa paglipat ng liga.

Ayon sa ulat ni Norman Lee Benjamin Riego ng ABS-CBN Sports, napuno ng sigaw na “Gi-ne-bra, Gi-ne-bra” ang Filoil Flying V Centre Miyerkoles ng gabi bilang pagpugay ng mga fans sa orihinal na team ni Brownlee.  

“I’m not complaining, that’s for sure,” ang komento ni Alab head coach Jimmy Alapag, na nakalaban si Brownlee nang magtagpo ang Ginebra at Meralco ni Alapag noong 2016 Governors’ Cup finals.

Hindi malilimutan ni Alapag ang seryeng iyon dahil doon ipinukol ni Brownlee ang tinaguriang “the Shot” na nagbigay sa Ginebra ng kampeonato.

Ngayon at magkakampi na ang dalawa, hindi isyu ang kanilang nakaraan.

“Our Filipino fans are the best fans in the world and the fact that they came out tonight to support Alab was great,” saad ni Alapag.

Hindi binigo ni Brownlee ang kanyang head coach at mga taong nagpunta sa San Juan arena nang magtala siya ng 29 points, 8 assists, 7 rebounds, 3 steals at 2 blocks.

Dahil sa kaniyang ipinakita, tinalo ng Alab ang Westports Malaysia 90-79 at sa wakas ay nakatikim din ng tagumpay sa kanilang bakuran matapos ng dalawang talo (una sa Mall of Asia at pangalawa sa Laguna).

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.