Kasama ang mister niyang si Oyo Boy Sotto, isang seksing Kristine Hermosa ang lumantad sa star-studded premiere kagabi ng pelikulang “Who's That Girl” nina Anne Curtis, Luis Manzano at kanilang inang si Dina Bonnevie.
Ito ang unang public appearance nina Oyo at Kristine mula nang ikasal sila noong Enero.
“Masaya, masarap [ang honeymoon],” sabi ni Oyo.
Hindi napre-pressure ang mag-asawa sa panawagang magkaroon na sila ng anak kabilang diyan ang daddy ni Oyo na si Vic Sotto.
“I always tell Oyo na mag-double time para madagdagan na ang apo ko,” sabi ni Vic.
“Hayaan mo Dad, bibigyan kita ng apo kaagad, maraming marami. Baka bukas buntis na si Tin hindi niyo alam. Ha ha ha,” biro ni Oyo.
Tanggap naman ni Kristine ang pagbabago at limitasyon sa kanyang career.
“Huwag lang masyadong busy tulad ng dati. Doon ayaw ko talaga. Siyempre 'no, gusto ko naman ng pamilya,” pahayag ni Oyo.
“Medyo maselan iyong mga limitations na iyon eh,” sabi naman ni Kristine.
Sorpresa ring dumalo si Governor Vilma Santos para suportahan ang anak na si Luis.
“Alam kong kailangan ng anak ko iyong suporta kaya nandito ako. Bukas, nanay ulit ako ng Batangas. Ha ha ha,” sabi ni Gov. Vilma.
Dala niya rin ang good news na malapit nang gumiling ang kanyang comeback movie sa Star Cinema.
“By July sana, sana. Chito Roño... suspense, I’m excited. Batangueño, payagan niyo naman ako, isa lang,” pabirong lahad ni Gov. Vilma.
Huling pelikula ni Vilma ang “In My Life” sa Star Cinema noong 2009 kung saan humakot sila ng parangal ng anak niyang si Luis. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino