PatrolPH

Trillanes: Pagbantay ng int'l community sa Pilipinas, importante

Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Dec 27 2018 10:26 AM

Trillanes: Pagbantay ng int'l community sa Pilipinas, importante 1
Binisita ni Senador Antonio Trillanes IV ang mga Filipino Community group sa London. Larawan mula kay Marco Pajo

LONDON – Kasama ang mga taga-suporta at ang Magdalo group sa lungsod na ito, tinipon ni Senador Antonio Trillanes IV ang Filipino community sa United Kingdom. 

Pero bago ito ay dumalo ang senador sa ilang speaking engagements kasama ang international affairs think tank na Chatham House sa London.

“Pini-presenta ko po ang katotohanan kasi with the proliferation of fake news, naco-confuse ang audience kung ano ang totoo sa hindi. So hinihimay ko po ‘yan,” sabi ni Trillanes.

Dagdag niya: “Yung suporta ng international community, importante kasi sila ang nagca-call out sa Duterte administration sa kaniyang pang-aabuso.” 

Bago tumulak sa London, nagsalita din si Trillanes sa University of Amsterdam at Leiden University sa Netherlands. Naka-sentro ang kaniyang mga talumpati sa rule of law sa Pilipinas at extrajudicial killings. 

Giniit pa rin niya na wala siyang planong magtago sa Europa para makaiwas sa mga kaso sa kaniya sa Pilipinas. Babalik daw siya sa Enero 11 at ipagpapatuloy ang paglaban sa administrasyong Duterte lalo na at may eleksiyon sa darating na Mayo. 

“There is no intention for me to leave or flee kasi I actually believe we are winning. Yung impluwensya ni Duterte, drastically nag-decline na. Marami nang namumulat na kababayan na he is a fraud,” sabi ni Trillanes. 
 
Sa tanong kung ano ang mensahe niya sa presidente sa panahon ng Pasko, sagot niya: 
 
“Sana naman masapian siya ng kabutihan sa katawan kasi kawawa ang mga kababayan natin. Sa kaniya walang value ang buhay ng Pilipino: mumurahin niya, papatayin niya basta ma-enjoy niya ang trappings of power.” 

Nilinaw rin ni Trillanes na ang pag-iikot niya sa Europa ay ‘di kargo ng kaniyang opisina. Ang gastos raw ay mula sa kaniyang bulsa dahil gusto rin niyang makasama ang Magdalo group sa Europa at mapulsuhan ang mga Pinoy dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.