Lola patok ang panindang bibingka sa Amerika

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 06:19 PM | Updated as of Dec 26 2017 09:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahigit isang dekada nang naninirahan sa Amerika ang 61 anyos na si May Africa kaya hindi maiwasang manabik ito sa pagkaing Pilipino, lalo na sa bibingka.

"I love bibingka so I started experimenting [on] it last August," ani Africa sa panayam ng ABS-CBN News.

Upang mapawi ang pananabik, sinubukan ni Africa na magluto ng bibingka.

Inabot siya ng apat na buwan bago makuha ang tamang timplang tulad ng nakakain sa Pilipinas.

"I perfected it last November so I posted it on Facebook and a lot of my friends were inquiring if they could buy," kuwento ni Africa, na kasalukuyang naninirahan sa Covina, California.

Noong una'y ang mga kaibigan lang ni Africa ang nakatikim ng kaniyang bibingka pero kalauna'y mga Pilipino mula sa ibang bahagi ng Amerika na ang nag-order nito.

Ayon kay Africa, dagdag ang holiday season sa pagpatok ng kaniyang lutong kakanin dahil karaniwang nauuso ang pagkain nito tuwing Pasko at Bagong Taon.

Kahit mag-isang nagluluto at nagde-deliver ng mga bibingka, umabot na sa halos 1,000 ang nabenta ni Africa sa loob ng dalawang buwan.

"I am so amazed with how people love my bibingka," ani Africa.

Tatlo ang mabibiling bibingka sa halagang $10 o P500. Isang dosena naman ang mabibili sa halagang $40 o P2,000.

Malaking tulong umano ito para maibsan ang pangungulila sa lokal na mga pagkain ng mga Pilipinong bihirang makauwi.

Dagdag ni Africa, isa sa mga dahilan ng kaniyang matagumpay na bibingka ang paggamit niya ng mga sangkap na mataas umano ang kalidad.

-- Ulat ni Connie De Leon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.