300 distressed OFWs magpapasko sa shelter sa Kuwait

Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 03:18 PM | Updated as of Dec 24 2017 09:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aabot sa 300 overseas Filipino workers (OFWs) na may iba't ibang suliranin ang magpa-Pasko ngayong taon sa shelter ng gobyerno ng Pilipinas sa Kuwait. 

Handa namang mag-abot ng tulong ang ilang kababayan para maibsan ang kanilang lungkot.

Sa shelter na Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Kuwait pansamantalang naninirahan ang mga Pilipinong tumakas sa problemado nilang buhay dito, gaya nina Trisha at Rhea.

Bukod sa pang-aabuso, bumuwelta pa ng kaso ang amo ni Trisha.

"Siyempre malungkot. Sabi po sa akin, lawyer po ang mag-aasikaso para mahugot ang technical paper po para makauwi po, pero hindi alam kung hanggang kailan," aniya.

Si Rhea naman, 12 taon nang hindi nakakapag-Pasko sa Pilipinas. Dati siyang nagtatrabaho sa isang salon sa Kuwait, ngunit nagkasakit at ngayon ay hindi makauwi nang patawan ng travel ban matapos mag-guarantor sa utang ng isang kaibigan.

"Gusto ko nang makasama 'yong pamilya ko kasi lumaki sila sa tatay nila...Ngayon, mga dalaga't binata na...Nagtatampo sila sa akin," kuwento naman niya.

Nakaranas ng verbal, sexual, o physical abuse sa kanilang mga amo ang halos lahat ng mga Pilipino sa shelter, at ang ilan pa sa kanila ay hindi binigyan ng sahod.
 
"Continuous po 'yong pag-aayos po namin ng mga dokumento nila para makauwi na po sila... Hopefully ngayong January maayos na silang lahat," ani Lily Pearl Guerrero, assistant labor attaché ng POLO.

Ngunit kahit pa man nakakaramdam sila ng lungkot, kasangga naman ng inabusong mga OFW dito ang iba-ibang Filipino organizations sa Kuwait.

"Sa araw na ito, we're very happy na nandito kami ngayon sa POLO-OWWA office to share the blessings that we are receiving every day," kuwento ni Hengie Taton, presidente ng Pinoy Nurses Association in Kuwait.

"Sa konti-konting pamamaraan po namin ay napasaya po sila," dagdag naman ni Berlyn Ladringan Montes, operations manager ng Cariniosa Holidays Inc.

Watch more in iWantv or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.