PatrolPH

Presidente ng Chile, pinatawan ng $3,500 multa matapos mag-selfie nang walang mask sa beach

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2020 05:31 PM

Presidente ng Chile, pinatawan ng $3,500 multa matapos mag-selfie nang walang mask sa beach 1
Presidente ng Chile na si Sebastian Pinera. Jan. 29, 2020. Edgard Garrido, Reuters/File. 

Pinatawan ng multang $3,500 o nasa P168,206 ang pangulo ng Chile na si Sebastian Pinera nitong Biyernes matapos mag-selfie sa isang beach kasama ang isa pang bystander nang hindi nakasuot ng face mask, ayon sa mga awtoridad. 

Strikto ang bansang Chile sa pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar, at maaaring patawan ng parusang pagkakakulong o multa ang mga mahuhuling lumalabag dito. 

Humingi naman ng paumanhin si Pinera, at nagbayad ng multa matapos kumalat ang selfie sa social media nitong buwan. 

Paliwanag ng presidente, naglalakad siya mag-isa sa beach malapit sa kanilang bahay sa bayan ng Cachagua nang humiling na makipag-selfie ang isang babae. 

Makikita sa retrato na magkalapit na nag-selfie ang dalawa nang walang face masks. 

Hindi na ito ang unang beses na pinutakte ng batikos ang presidente. Noong isang taon, binatikos si Pinera nang makitang nasa isang pizza party ito habang nagpoprotesta ang marami sa kanyang mga kababayan sa Santiago dahil sa isyu ng inequality. 

May kumalat din na mga retrato kung saan nakikitang nagpapa-picture ito sa kadalasang lugar kung saan ginagawa ang mga protesta dahil sa lockdown resitrictions ng bansa bunsod ng pandemya. 

Humupa na ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso sa Chile noong Nobyembre pero tumataas muli ang mga kaso doon, dahilan para mag-anunsyo ang gobyerno ng panibagong quarantine at restriction measures. 

Nasa 581,135 ang COVID-19 cases sa naturang bansa simula noong March. Umakyat naman na sa 16,051 ang mga nasawi doon dahil sa coronavirus. 

PANOORIN: Ginang na naglalaba sa tapat ng bahay habang walang face mask, pinagmumulta

Watch more on iWantTFC


Isinalin mula sa ulat ng Reuters 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.