PAL plane sa LA nagbuga ng apoy sa ere; mga pasahero ikinuwento ang karanasan

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 05:00 PM | Updated as of Nov 22 2019 06:57 PM

Viral sa social media ang video kung saan kitang nagbubuga ng apoy ang isa sa mga pakpak ng eroplano ng Philippine Airlines (PAL) ilang minuto matapos nitong mag-takeoff sa Los Angeles International Airport. 

Kuha ang video ng isa sa mga pasahero sa loob ng PAL Flight 113, na lilipad sana pa-Maynila nitong Biyernes ng madaling araw (Manila time).

Pero makalipas ang 2 minuto matapos mag-takeoff, nagkaroon ng engine failure kaya nagbuga ng apoy ang isang bahagi nito. 

"Nagkaroon ng problema 'yung engine 2 at nagkaroon ng release ng flames," pag-amin ni PAL spokesperson Cielo Villaluna.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumawag kaagad ang pilotong si Tristan Simeon ng mayday call sa LAX at nag-emergency landing sila. 

Ayon sa PAL, 347 pasahero at 18 crew members ang sakay ng eroplano, na lahat ay ligtas naman. 

USOK AT PAGSABOG

Nakausap ng ABS-CBN News ang ilan sa mga pasahero ng naturang PAL flight at ikinuwento nila ang kanilang karanasan.

"I heard a loud noise from the plane... I was hearing that loud noise as soon as we are taking off... [then] I saw those 2, 3 flames and you can hear the loud noise coming out from the plane," ani Jennifer Osteria.

"It was loud and made the airplane rumble a little bit. People were scared," ayon naman kay Gabriel Laurente.

Ang ibang pasahero ay hindi pa makakauwi sa Maynila dahil wala nang ibang flight na maibigay ang PAL, pero kahit papaano ay masaya sila na ligtas matapos ang technical problem ng makina.

Pinuri naman ni Villaluna ang pilotong si Simeon dahil sa pagsiguro nitong ligtas ang mga sakay ng eroplano. 

"Hats off to you B777 Capt. Triston Simeon for successfully landing the aircraft at Los Angeles' Tom Bradley International Airport!" sabi ni Villaluna sa isang Facebook post.

Sabi naman ng PAL, nakikipagtulungan na sila ngayon sa mga awtoridad ng LAX at sa Federal Aviation Administration para alamin ang sanhi ng insidente. 

--Ulat nina TJ Manotoc at Steve Angeles, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.