Dating preso, patay matapos manlaban sa buy-bust

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 12:44 PM

Narekober ng awtoridad mula sa napatay na suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu at buy-bust money. Larawan mula sa San Pedro Police

DAVAO CITY - Patay ang isang dating preso matapos na mabaril ng mga pulis sa drug bust sa Barangay 19-B, Huwebes ng gabi.

Ayon sa San Pedro Police, bumunot umano ng "sumpak" o improvised gun ang suspek na si Raffy Cayas matapos mapansin na pulis ang ka-transaksyon kaya napilitan ang mga operatiba na barilin siya.

Nakuha mula sa suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P8,000.

Narekober din ng awtoridad ang sumpak na ginamit ng suspek.

Buwan ng Hulyo nang makalaya sa kulungan si Cayas matapos na makulong dahil sa ilegal na droga. 

Hindi na nagbigay pa ng pahayag sa media ang kamag-anak ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.