SOUTH KOREA - Nagimbal ang marami sa trahedya sa Itaewon noong isang taon. Isandaan at limampu’t siyam ang namatay sa crowd crush sa gitna ng halloween celebration.
Nagluksa ang South Korea habang iniinda ng mga nakaligtas at naulila ang epekto ng trahedya sa kanilang mental health.
Isa si Kath Laspoña sa mga nasa lugar noon na nakaligtas sa crowd crash. Sariwa pa sa kanyang isip ang trahedya pero mas bumuti na umano ngayon ang kanyang mental health.
“Parang when I close my eyes, parang nagfa-flash back...I talked to several persons na pwedeng makatulong sa’kin mentally. Importante na makipag-usap. And then I also deleted yung mga videos ko and photos ng last year,” kwento ni Kath.
Naapektuhan din ang negosyo sa Itaewon na hindi pa lubos na nakababawi sa epekto ng pandemic.
Pagkalipas ng isang taon, ginunita ang Itaewon tragedy. May mga nag-alay ng dasal at mga nag-iwan ng mensahe sa itinayong memorial structure sa lugar na pinangyarihan ng sakuna.
Sinasabing dahil na rin sa epekto ng nangyari, naging matamlay ang halloween party sa lugar ngayong taon.
“Ang laki talaga ng pinagbago kasi nung time na yun eh, andami talagang foreigners at mga Koreans na pumupunta dito. I'm sorry to say…, ngayon talagang nagluluksa lahat,” sabi ni DJ Hi-C, Pinoy DJ sa Itaewon.
“Actually, first time kong mag-holloween party. Alam ko ang nangyari last year kaya na-curious ako. Kampante ako na hindi mauulit. Ang dami ngang pulis eh,” ani Angelo Serrano, OFW sa Korea.
Nagpatupad ng mahigpit na seguridad sa Itaewon, dalawang linggo pa lang bago ang pagdiriwang. Bukod sa surveillance cameras, pinaigting din ang intelligent crowd detection. May inilagay ding 2-way in-out na lagusan para maiwasan ang aksidente sa makipot na mga kalye ng Itaewon.
Maraming natutunan ang gobyerno at mga indibidwal sa nangyari sa Itaewon. Mga natutunang isinasabuhay para hindi ito maulit.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.