Venice paralisado dahil sa baha, mga turista at Pinoy apektado

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 09:55 PM

Umabot hanggang baywang ang tubig sa ilang bahagi ng Venice bunsod ng pagtaas ng tubig noong Martes, November 12, 2019. Larawan mula kay Ging Malalay Cagas

Muling binaha ang historic center ng Venice sa Italy kung saan umabot ng 190 centimeters o anim na talampakan ang lalim ng tubig bunsod ng high tide, Martes ng gabi.

Ito ang pinakamataas na lebel ng tubig na naitala mula noong 1966.

Lubog sa tubig ang main tourist attractions gaya ng St. Mark’s Square na nagmistulang lawa dahil sa mataas na tubig.

Sarado rin ang mga tindahan at restaurants at kanselado ang water transport system. Suspendido ang mga klase sa lahat ng antas at nagdeklara na ng state of emergency sa lugar.

Isa sa mga naapektuhan ng pagbaha ay ang mag-asawang Aida at Rolly Gutierrez. Halos tatlong dekada na silang naninirahan sa Venice at ito na anila ang pinakamatinding pagbahang kanilang naranasan.

"Ang akala namin, hindi tataas ng 187 (cms) o 190 nandoon lang kami sa baba hinihintay namin na sana lalagpas sa may bed namin, wala naman nagsasabi sa amin na tataas pa kaya mataas na hanggang baywang. First time, record ito,” sabi ni Aida.

Nabasa ang kanilang mga damit at mga kagamitan at wala ding supply ng kuryente dahil lubog pa rin sa tubig ang kanilang bahay.

"Ang daming nasira, ang daming basa. Ngayon, wala kaming light sa baba,” dagdag ni Aida.

Hirap ang mag-asawang Pinoy dahil bukod sa mga napinsala ay nakatakda ring operahan si Rolly pero pati ang transportasyon sa Venice apektado rin kaya humingi sila ng tulong sa mga kababayan para makarating sa ospital.

"Walang sasakyan, maski taxi, at mataas na mataas ang tubig, hindi makalusot sa mga tulay tulay,” sabi ni Aida.

Ang ibang mga Pilipino, naglakad sa baha para makapasok sa trabaho gaya na lamang ni Ging Cagas na nagtatrabaho sa isang hotel sa Venice.

"Para kaming prisoner kasi sa baba namin hanggang tuhod ang tubig. Kahit umuulan syempre papasok talaga, mapilitan kang pumasok,” sabi ni Cagas.

Apektado rin ng matinding pagbaha ang mga turista. Ayon pa kay Cagas, hindi rin makalabas ng hotel ang kanilang guests.

"Ang mga customer namin, dinalhan na lang namin ng mga pagkain sa mga rooms nila para makakain sila. Hindi na talaga yung normal na kinakain nila sa umaga yung para lang may makain sila sa almusal,” sabi ni Cagas.

Ang Filipino community leader na si Nonon Malinay, sa social media ipinaabot ang paalala sa mga kababayan sa kasalukuyang sitwasyon sa Venice at iba pang weather updates at high tide alerts.

"Nag-aadvise po tayo through message or pagpo-post sa FB (Facebook) kasi nahihirapan nga po ba puntahan yung mga kababayan po natin so inaabisuhan na lamang po natin sila na hangga’t maaari kung hindi talaga kinakailangang lumabas, manatali na lamang po sa bahay,” sabi ni Malinay.

Ayon naman kay Consul at acting Head of Post Mersole Mellejor Jr., walang naitalang nasaktan at patuloy pa rin na pinag-iingat ng konsulado ang mga Pilipino.

"We will continue to monitor developments and at the same time advise our nationals to take precaution while the situation persists,” sabi ni Mellejor.