Higit 400 trabaho alok ng Kuwait Airways sa mga Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2018 03:52 PM | Updated as of Aug 08 2019 03:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangailangan ng 459 manggagawang Pinoy ang Kuwait Airways, ang flag carrier ng bansang Kuwait.

"We are looking for highly-skilled people, highly-committed and hardworking people," sabi ni Athbi Salah al-Sheeha, talent acquisition manager ng Kuwait Airways.

Kabilang sa mga posisyong inaalok ng Kuwait Airways ang traffic officer, assistant traffic officer, assistant load control, assistant cargo officer, cargo operator, cargo coordinator at baggage sorter.

Kasama sa sahod ang allowance para sa pagkain at accommodation o titirhan. Mabibigyan din ang mga manggagawa ng libreng transportasyon at libreng tiket pauwi ng Pilipinas matapos ang dalawang taong kontrata.

Nangailangan ng karagdagang tauhan ang Kuwait Airways dahil sa pagbubukas kamakailan ng Kuwait Airways Terminal 4.

Kasalukuyang may 400 Pinoy na nagtatrabaho sa Kuwait Airways.

"Maganda ang trabaho rito. Bukod sa 27 years na ako rito sa Kuwait at sa blessings na binigyan kami ng opportunity na makapagtrabaho rito, 'yung aking anak naipasok ko rin dito, flying crew," sabi ng head waiter na si Greg Alcantara.

Ito ang pinakamalaking job order para sa skilled workers mula nang alisin ng Pilipinas ang deployment ban sa Kuwait.

Nagpaalala naman ang Philippine Overseas Labor Office (POEA) sa mga interestadong aplikante na maging maingat sa pag-aplay sa mga ahensiya.

"Makipag-ugnayan lamang sa ahensiyang may aprubadong job order at lisensiyado ng POEA. Huwag makipag-usap sa fixers," sabi ni Assistant Labor Attache Teresa Olgado.

Para sa mga interesado, maaaring magsumite ng aplikasyon sa Yaazeemir International Manpower Agency sa Room 405, 4th floor ng AP Building 1563, F. Agoncillo corner Pedro Gil Street, Ermita, Manila o tumawag sa mga numerong 230-3090 O 230-2514.

Pupunta sa Pilipinas ang Kuwait Airways recruitment team para mag-interview ng mga aplikante mula Nobyembre 4 hanggang Nobyembre 15.

--Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.