PatrolPH

Pinoy sa Milan nahulihan ng 100 kaha ng sigarilyo, pinagmulta

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Oct 30 2018 05:20 PM | Updated as of Oct 30 2018 06:11 PM


MILAN, Italy – Isang 50-anyos na Pilipino ang naaresto matapos mahulihan ng 10 pack o 100 kaha ng sigarilyo, Miyerkoles sa Via Mazzini dito sa siyudad.

Naghinala ang mga miyembro ng Milan police na nagpapatrolya sa lugar nang biglang tumakbo ang hindi pinangalanang Pinoy at kasamahan nito nang makita ang awtoridad.

Dahil dito, kinuwestiyon ang Pilipino at natagpuan sa kaniyang bag ang mga sigarilyong galing pa sa Pilipinas.

Kinumpiska ng mga pulis ang mga kontrabandong nakuha sa Pinoy at pinagmulta ito ng 3,300 euros o katumbas ng mahigit P200,000.

Para naman sa ilang mga Pinoy sa Milan, dapat ay sumunod sa batas at huwag gumawa ng ilegal na ikapapahamak din ng iba pang kababayan.

“Sikat na naman. Tigas talaga ng ulo, alam nang bawal at sinusunod ang batas dito ayaw pa rin tumigil. Ang kapwa Pinoy tigas kasi ng ulo," sabi ni Gary Crisostomo.

Hati naman ang opinyon ng ibang kababayan kung pangpersonal na gamit o pambenta ang nasabat na pake-paketeng sigarilyo.

"Napakarami. 'Pag 100 pakete kontrabando na talaga iyan, napakalaki ang magiging pera niya kung nakalusot iyan,” ani Felix Ortega Jr.

May kamahalan ang sigarilyo sa Italya kaya naman sinasamantala ng mga Pinoy na magdala galing Pilipinas.

Maaaring magdala ng tobacco products sa Italy na hindi lalampas sa 200 cigarettes o 100 cigarillos (hanggang 3 gramo kada isa), 50 cigars o 250 gramo ng tobacco, o anumang proportional assortment, ang nasa edad 17 pataas, sa ilalim ng ministerial decree na inilabas noong March 6, 2009.

Ang pagdadala ng mga foreign-manufactured tobacco products na labis sa limitasyon at walang customs declaration, at ang hindi pagbabayad ng duties and taxes ay isang kaso ng tobacco smuggling at may karampatang parusang kriminal mula multa hanggang pagkakabilanggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.