Pinay nabalian ng braso sa aksidente sa bus sa Roma

Jackie De Vega, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 08:59 PM | Updated as of Oct 30 2019 04:44 PM

Nasa bahay na si Ginalyn Brucal matapos ang operasyon sa kaniyang nabaling braso. Larawan mula kay Ginalyn Brucal


Bali ang kaliwang braso at masakit pa rin ang ibang bahagi ng katawan ng isang Pilipina na kabilang sa 40 pasahero na nasugatan matapos maaksidente ang sinakyang bus sa Via Cassia sa Roma.

Ayon kay Ginalyn Brucal, papasok na siya sa trabaho matapos ihatid ang 5-taong gulang na anak sa eskuwelahan noong Oktubre 16.

Araw-araw sumasakay si Brucal sa Bus 301. Naabutan pa niya ang asawa sa bus stop noong araw na iyon dahil hindi dumating ang bus na pang 8:30 a.m.

Sa testimonyang ibinigay ng ilang biktima sa Italian media, gumagamit umano ng cellphone ang driver ng bus habang nagmamaneho.

Pero taliwas ito sa kuwento ni Brucal na nakatayo malapit sa tabi ng driver nang maganap ang aksidente.

Aniya, inaantok ang driver at hindi nagtetelepono. 

“'Yung driver para siyang inaantok, 'yung parang nawalan ng wisyo. Natingin nga ako sa driver, parang ang nangyari mabilis, segundo lang, 'yung parang straight, bigla na lang kumanan, at 'yun nga, bangga na nga, segundo lang, ang lakas ng impact sa puno,” sabi niya.

Laking pasalamat pa rin ni Brucal na buhay pa rin siya matapos ang aksidente pero nag-alala siya na hindi agad makapasok sa trabaho. 

“Ang trabaho ko tiyak ay mapapatigil, siyempre hindi pa rin ako pwede magtrabaho,” sabi niya.

Nasa bahay na ngayon si Brucal matapos ang operasyon sa kaniyang braso.

Hinihintay na lamang niya ang pag-usad ng kaso laban sa operator ng bus.

Kabilang ang mag-asawang Brucal sa 19 Pilipino na nasugatan sa aksidente, ayon sa Department of Foreign Affairs. Maliban sa muscle trauma, tatlo ang may natamong sugat sa noo at 2 ang may fracture sa balikat at binti.

Kinumpirma rin ng DFA na agad na nakatanggap ng medical attention ang mga biktima at wala sa kanila ang nasa kritikal na kalagayan.

Patuloy namang nakaantabay ang embahada para alalayan ang mga biktima.

Samantala, isa ang Filipino community leader sa Roma na si Analiza Bueno sa rumesponde para magbigay ng legal assistance sa ilang Pilipinong biktima. 

“Ito 'yung tinatawag natin na pag-claim ng anumang maging damage sa kanila habang hindi sila nagtatrabaho at ano ang naging epekto ng pagkabangga ng bus na ito. Ang mga nabiktima ay makaka-avail ng tulong, financial tulong mula sa insurance ng bus na ito,” sabi ni Bueno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.