64 distressed OFWs mula Saudi pauwi ng Pilipinas

Lyndon Aballe, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 07:19 AM

SAUDI ARABIA—Pauwi na ng Pilipinas nitong Huwebes ang 64 na distressed overseas Filipino workers sa Riyadh, Saudi Arabia.

Kasama rito si Mercy (hindi tunay na pangalan) na nakaranas ng pang-aabuso sa kaniyang amo, tulad ng pananakit at hindi pagbigay ng sapat na pagkain.

"Once a day lang po ako makakain at almost 21 hours ang trabaho ko," aniya.

Nasa 398 distressed OFWs na ang napauwi ng Philippine Overseas Labor Office (POLO)-Riyadh mula noong Agosto 22.

Sagot ng POLO at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang ticket ng 311 OFW habang sagot ng kanilang mga recruitment agency ang ticket ng 87 OFW.

Inaayos na rin ng POLO ang mga OFW na nasampahan ng mga kriminal na kaso.

"Maski alam natin na 'di totoo kasi 'yon ay ganti lang ng amo nila... 'Yong iba 'pag nadala sila sa kulungan, need ang police clearance at saka sila makakauwi," ani Labor attache Nasser Mustafa.

Nagpapasalamat din si Mustafa sa gobyerno ng Saudi Arabia.

"Malaki ang naitulong ng Saudi [Arabian] government through Ministry of Labor and Social Development sa exit visa nila," dagdag ni Mustafa.

Nangako naman ang POLO at OWWA na may matatanggap na financial assistance ang mga pauwing distressed OFW.