Tulong, hustisya hiling ng pamilya ng OFW na namatay sa Abu Dhabi

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 04:38 PM | Updated as of Oct 16 2019 04:56 PM

Namatay si Mary Jean Alberto matapos umanong mahulog mula sa ika-13 palapag ng tinitirahang gusali ng amo sa Abu Dhabi. Larawan mula sa pamilya Alberto

ABU DHABI, United Arab Emirates - Humihingi ng tulong sa awtoridad sa Pilipinas at Abu Dhabi ang anak ng overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa Abu Dhabi para matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng ina.

Ayon kay Rohjean Balag-ey Alberto, 24-anyos, nakuha niya ang death certificate ng inang si Mary Jean Balag-ey Alberto sa Sheikh Khalifa Hospital nitong Linggo, Oktubre 13.

“The cause of death was not mentioned in the death certificate and it hurts us knowing that until now there’s no answer yet,” sabi ni Rohjean.

Nalaman niya ang sinapit ng ina noong Oktubre 2 nang i-text niya ang dayuhang amo nito matapos hindi sumagot sa text o tawag ang ina.

Sa kuwento ng amo sa kaniya, hindi raw niya alam ang nangyari dahil siya ay natutulog pero may nadinig siyang malakas na kalabog.

Nakatira sa 13th floor ng Shams Meera Tower Al Reem sa Abu Dhabi ang nanay ni Rohjean at amo nito mula nang dumating ang OFW noong Hulyo 7, 2019.

Naniniwala si Rohjean at dalawa pang kapatid nitong lalaki na hindi nag-suicide ang ina.

“My mom was a strong woman. Masyado na siyang maraming pinagdaanan sa buhay na kung ikukumpara sa naging problema niya dito sa UAE ay kurot lang,” sabi niya.

Dagdag niya masaya silang magkasama ng ina apat na araw bago naganap ang insidente.

“Sino bang maniniwala na coincidence lang na ang huling messages ng mama ko sa kaniyang kapatid na nanghihingi siya ng tulong dahil sinubukan na siyang sakalin ng kaniyang amo at magkakataong namatay siya less than 24 hours after that?” ipinagtataka niya.

Nakikipagtulungan sa kaniya ang Assistance to Nationals ng Philippine Embassy habang inaaantay nila ang forensic report mula sa Abu Dhabi Police.

Ayon ke Vice Consul Von Ryan Pangwi, ibibigay nila ang lahat ng appropriate legal and repatriation assistance sa nasawing OFW.

“Currently the Philippine Embassy gave me an attorney. They promised that they will help me with the repatriation of the remains, morgue expenses here in the UAE, legal expenses, plane ticket of the escort and hopefully my other requests such as the burial/funeral expenses and death benefits,” sabi ni Rohjean.

Nais din humingi ng tulong pinansiyal ni Rohjean para makatulong sa gastusin sa oras na maiuwi ang mga labi ng ina.

“Kailangan ko po ng suporta sa ating gobyerno upang malaman ang katotohanan at mabigyan ng hustisya ang aming ina. Mariin din akong lumalapit para sa burial expenses at schooling ng mga kapatid ko. Napilitan mag-ibang bansa ang aking ina na umaasang mapagtapos niya ang dalawa kong kapatid. Kaya hinihiling ko na hindi masayang ang hirap na tiniis niya at mapunta sa wala,” sabi niya.

Ang 44-anyos na si Mary Jean ay nag-apply bilang lady driver sa among dayuhan pero naging kasambahay pagdating sa UAE. Namatay siya matapos umanong mahulog sa gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.