Mga Pinoy kasama sa maaaring mabigyan ng tourist visa sa Saudi

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 06:29 PM | Updated as of Oct 12 2019 07:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinayagan na ng Saudi Arabia sa unang pagkakataon ang pagkakaloob ng tourist e-visa sa mga nais pumunta sa naturang bansa, ayon sa Ministry of Interior sa lugar. 

Kasama sa maaaring pagkalooban ang mga mamamayan ng Pilipinas, Amerika, at mga bansa sa Europa. 

Noon ay business o work visa lang ang pinapayagan sa Saudi Arabia, at mga Hajj at Umrah visa para sa mga nagpi-pilgrimage sa lugar. 

Sa kabila nito, naglabas ng alituntunin ang Saudi Ministry of Interior sa dapat na maging asal ng mga turista sa kaharian. 

May parusa sa 19 paglabag, kabilang ang mga sumusunod: 

  • Maigsing pananamit; 
  • Hindi pagtatakip sa balikat at tuhod; 
  • Public display of affection;
  • Hindi karespe-respetong lengguwahe; 
  • Pagkakalat; 
  • Pagkuha ng mga retrato o video nang walang pahintulot sa mga taong makukunan ng camera. 

Nasa 1,000 Saudi riyal (mahigit P13,700) ang parusa sa mga nabanggit na paglabag. 

Nasa 2000 Saudi riyal naman (halos P27,000) naman ang multa sa mahuhuli na kumukuha ng litrato o video sa mga insidente gaya ng aksidente o krimen.

Nagpaalala naman si Patrick Aro, consul general ng Philippine Embassy Riyadh sa mga OFW na mahigpit pa rin ang Saudi sa pag-organisa ng mga pagtitipon, lalo na kung halong babae at lalaki ang dadalo rito. 

"Sa mga kababayan natin dito sa kaharian may mga organisasyon po kayo na nagho-hold po kayo ng mga special events, alalahanin po natin na mahigpit pa rin po kumpara sa Pilipinas ang gobyerno ng Saudi Arabia. Bawal ang pagkakaroon ng mixed crowd nang walang pahintulot ng kanilang gobyerno," ani Aro. 

"Siguraduhin niyo po na ang event na kinukunan ay may sapat na pahintulot mula sa gobyerno ng Saudi Arabia at kumpleto po ang papeles nila para i-hold ang event na iyon para naman po hindi mabulilyaso ang event na 'yon," dagdag niya.  --Ulat ni Zhariya Camid-Alamada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.