Grocery items sa balikbayan boxes, sagot ng OFWs sa inflation

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Oct 05 2018 11:04 AM

Nagiipon na ang mga OFW sa Milan, Italy ng mga ipadadala nila sa mga pamilya sa Pilipinas bago mag Pasko. Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

MILAN, Italy - Buhos ang padala ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa Europa ng balikbayan boxes para sa kanilang pamilya bago pa man ang nakaambang pagtaas ng presyo ng mga pang noche buena.

Mas malaking kamurahan umano ang ibang mga produkto ngayon sa ibang bansa kaysa sa Pilipinas.

“Dito, mura lalo na pag nag-sale. Mura lang ang bilihin. May kalidad, may pangalan,” ani Joey Bernal na 15-taon nang OFW sa Milan.

Tsokolate, damit, sapatos, laruan at kung ano-ano pa ang mga kadalasang laman ng balikbayan boxes ng mga OFW para sa kanilang pamilya.

Pero si Bernal, laman ng kaniyang balikbayan box ay bigas, de lata, mantika at ibang pang araw-araw na pangagailangan sa Pilipinas.

Dahil mas mura ang bilihin sa Italy kumpara sa presyo sa Pilipinas, mas pinipili ni Bernal na magpadala ng kahon taun-taon para makatipid ang mga kapamilya.

“Kasi sa atin masyado nang mahal ang mga bilihin lalo na at papalapit na ang Pasko kaya paunti-unti nag-iipon na ng mga ipapadala sa Pilipinas,” sabi niya.

Uuwi naman ang pamilya ni Ian Salto ngayong Disyembre at para may pang spaghetti at tsokolate na sa Pasko, ngayon pa lang ay nagkukumahog na siyang mapuno at maipadala na ang kanilang kahon.

“Kasi po uuwi po kami ngayong Pasko kaya po namili na po kami ng mga pangpadala po sa ‘Pinas kasi po mahal na ang bilihin,” ani Salto.

Magmamahal ang ilang pagkaing pang Noche Buena dahil mataas ang demand tuwing Pasko pero apektado naman ang iba pang grocery items dahil pa rin sa inflation.

Pumalo ng 6.7% ang inflation noong buwan ng Setyembre pero mababa pa rin ito sa prediksiyon ng mga ekonomista.

Sa mga Pinoy sa Russia gaya ni Rosebel Escobar, todo kayod upang mabili ang bawat laman ng kanilang balikbayan box.

“Nagpapadala ako ng box twice a year, at ipinapadala ko mga pasta, asukal, kung minsan ‘yung mga nabibiling mga sale,” ani Escobar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.