Pagdadalamhati iniinda ng mga namatayan sa Taiwan bridge collapse

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 07:45 PM | Updated as of Oct 04 2019 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magkahalong pag-aalala at pagdadalamhati ang iniinda ng mga kaanak at katrabaho ng mga namatayan sa pagguho ng tulay sa Yilan County sa Taiwan.

Martes ng umaga nang matabunan ng tulay ang aabot sa 3 fishing vessel na lulan ang ilang Pinoy. Tatlong Pinoy ang naitalang nawawala sa insidente. Narekober ang bangkay ng mga biktimang sina Andrew Abregana Serencio, Gorge Impang at Ilustrisimo Escalicas Jr. sa mga nakalipas na dalawang araw.

Tumulak na pa-Taiwan nitong Biyernes ang misis ni Impang na si Mary Ann at kasama ang kapatid para maasikaso ang papeles ng nasawing mangingisda.

“Para mapabilis ang pag-uwi niya. Ako mismo ang mag-asikaso saka mag-uwi sa kanya dito sa Pilipinas. Mga gamit na naiwan niya, titingnan ko pa. Kailangan andun pa ako,” ani Mary Ann.

Walang kamalay-malay ang 7 gulang na anak ni Impang sa sinapit ng kaniyang ama.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang makarating ng Taiwan, umaasa pa si Mary Ann na makita pang buhay ang kaniyang mister. Pero sa kasamaang palad, nakita na niya ang bangkay ni Impang, dahilan para mahimatay sa sama ng loob.

Hinimatay man, nanindigan si Mary Ann na kailangan niyang tatagan ang loob niya, para sa 7 anyos na anak,

“Kakayanin ko hindi ako yung pwedeng bumigay may anak pa ako walang ibang magiintindi dun ako lang talaga kasi nanay ko wala na rin nanay ko wala na rin tatay ko iniintindi ko din hindi ako pwedeng bumigay dahil ang dami kong iniintindi,” ani Mary Ann.
 
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung kakayaning maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Impang sa pagdadaanang proseso nito.

Darating naman sa mga susunod na araw ang mga kaanak ng dalawa pang namatay.

Isang misa ang inalay noong Huwebes ng gabi para sa tatlong namatay at sa mga nakaligtas sa trahedya.

Si Allan Alconsado, nanlalambot pa rin matapos ang nangyari. Siya ang huling kasama ni Impang ilang minuto bago bumagsak ang tulay.

"Parang ‘yong katawan ko palaging nanlalambot, isip ko palaging nasa malayo, pati yung mga kasama ko parang lagi kong nasasalamin lalo na si kuya Gorge (Impang) yung samahan namin parang magkapatid kami," ani Alconsado.

Inaalala nila ngayon kung ano ang mangyayari sa kanilang hanapbuhay doon.

Nakikipag-ugnayan na ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa mga employer ng mga mangingisda para makapagsimula silang muli sa trabaho.

"Ihahanap naman sila ng ibang fishing vessel. Yun naman sigurong company na may-ari ng fishing vessel ngayon, meron naman siguro ibang mga barko. Kung hindi naman, matutulungan din naman ng ating labor office dito para ihanap din naman sila ng ibang trabaho na pwede silang tulungan," ani MECO chairman Angelito Banayo.

Hinihintay lang ng gobyerno ng Taiwan na makumpleto ang mga pamilya ng mga namatay para maghanda ng isang pagluluksa.

--Ulat nina Ron Gagalac at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.