Pinoy na napatay sa saksak sa Saudi, pauwi na sana

Jema Sullano Dee, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Oct 03 2018 10:36 AM

JEDDAH, Saudi Arabia – Pauwi na sana ang isang Pilipinong napatay sa saksak ng kapwa Pinoy sa bahay na pinagtatrabahuhan nila sa lungsod na ito.

Halos 5 taon nang nagtatrabaho bilang driver ang 29 anyos na biktimang tubong Maguindanao. Nakatakda siyang umuwi na sana sa Oktubre 5.

Ang biktima at ang 34 anyos na suspek na tubong Capiz ay kapwa namamasukan bilang private driver sa isang pamilya.

Nagulat na lang ang kanilang amo nang makita ang biktima na patay sa harap ng kanilang bahay.

“Nakita na lang ang assailant na nakatulala na lang at ang biktima ay nakahandusay at patay na,” sabi ni Consul General Edgar Badajos.
 
Ayon sa kanilang employer, wala naman umanong nakitang senyales na mangyayari ang insidente.

“Sa ngayon, wala pa tayong malinaw na motibong nakuha,” dagda ni Badajos.
 
Payo naman ng konsulado sa lahat ng OFWs sa bansa na huwag padalos-dalos.
 
“In cases like this, huwag pairalin yung init ng ulo,” ani Badajos.
 
Magpapadala ng isang team ang konsulado sa kulungan upang bisitahin ang suspek. Nakausap na rin nila ang next-of-kin ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.