Pinay kinuwestiyon dahil sa umano'y self-induced abortion sa Italy

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 12:09 PM | Updated as of Sep 28 2018 06:40 PM

MILAN, Italy (UPDATED)—Isang 21-anyos na babae ang umano’y nag self-induced abortion noong Setyembre 21 sa lungsod na ito.

Nakaranas ng patuloy na pagdurugo kaya sumugod ang Pilipina sa San Rafaele Hospital. Ngunit dahil sa hinala ng mga doktor na kusang inilaglag ng Pinay ang sanggol, ipinagbigay-alam nila ito sa mga pulis.

Agad naman pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng Pilipina kung saan kasamang naninirahan din ang mga magulang nito at doon natagpuan ang fetus.

Isang krimen ang anumang uri ng induced abortion sa Italy. Ini-report ang Pinay ng concealment of cadaver o pagtatago ng bangkay at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 19 of Law 194 o voluntary interruption of pregnancy.

Ayon kay Atty. Paul Francis Sombilla, isang Pilipinong abugado sa Italy, maliban sa mga kasong nabanggit, may posibilidad ding magsampa ang prosecutors sa Milan ng mas mabigat na kaso ng infanticide in material and moral abandonment conditions base sa Italian criminal code.

“Maaaring magsagawa ang prosecutors ng imbestigasyon para malaman kung may mga taong tumulong sa babae na mailaglag ang sanggol. Madalas, sa ganitong kaso, ang ama ng sanggol ang posibleng kasabwat na may mas mabigat na parusa,” ani Sombilla.

Legal man ang abortion sa Italy, ito ay maaari lamang gawin hanggang sa ikatlong buwan ng pagbubuntis at para lamang sa kababaihang may health, social at economic issues.

Pinahihintulutan din ang abortion sa second trimester ng pagbubuntis kung maaaring malagay sa panganib ang buhay ng ina o ang sanggol ay may genetic at serious malformations.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.