ALAMIN: Proseso sa pag-apply bilang hotel housekeeper sa Israel

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilabas na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang requirements para makapag-apply ang mga Pinoy bilang hotel housekeeper sa Israel.

Alinsunod ito sa anunsiyo ni Israel Ambassador Rafael Harpaz noong Miyerkoles kung saan sinabi na aabot sa 1,000 trabaho ang iaalok ng Israel para sa mga Pinoy.

Ayon sa POEA, dapat Filipino citizen na 25 anyos pataas ang aplikante. Dapat ding "physically and mentally fit" ang aplikante at marunong mag-Ingles.

First-time worker din dapat sa Israel ang aplikante at wala dapat itong kaanak na nagtatrabaho sa nabanggit na bansa.

Dapat ding may certificate mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang aplikante, ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia.

"'Yung mga HSW (hotel service worker) natin na may experience na, ang kinakailangan lang kumuha ng NCII para sa housekeeping, madali lang iyon," ani Olalia.

Maaaring umabot ng P78,000 ang sahod ng mga matatanggap. Pero mababawas pa rito ang board and lodging kaya aabot sa P58,500 ang take-home pay.

Mahigpit din ang labor laws sa Israel kaya mas makakatiyak na masusunod ang work schedule sa pagtatrabahuhan, ayon kay Olalia.

Government-to-government din ang mga job order. Ibig sabihin, sa POEA lang maaaring mag-aplay ang mga aplikante at hindi dapat tumanggap ng job offer sa mga recruitment agency.

Maaaring magparehistro dito ang mga interesado.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.