PatrolPH

Seaman to businessman: Pinoy, may-ari ng 3 Japanese resto sa Italy

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Sep 26 2018 05:22 PM

Seaman to businessman: Pinoy, may-ari ng 3 Japanese resto sa Italy 1
Tatlo na ang naitayong restaurant ni Nestor Malabanan sa Italy kung saan nasa 40 Pilipino at 17 Italians ang kasalukuyang staff niya. Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

MILAN, Italy - Ipinanganak na mahirap pero nagsikap nang husto si Nestor Malabanan sa pag-aaral, paghahanap-buhay at pagnenegosyo. Nagsimula bilang ordinayong empleyado at ngayon ay matagumpay na restaurateur na sa Italy.

Taong 2003 nang makipagsapalaran si Malabanan sa Italya matapos ang limang taong pagiging chef sa barko. Kahit may magandang trabaho at malaking sahod bilang head chef sa Pescara, tila may naramdaman pa rin siyang kulang sa buhay niya.

"May kulang sa mga pangarap ko. Naisip kong magtayo ng restaurant kasi tingin ko ito yung kulang sa akin, sa inspirasyon, sa lahat ng gusto kong gawin, sa propesyon ko," sabi ni Malabanan.

Sa kaniyang pagsisikap ay napagtagumpayan ni Malabanan ang mga pagsubok mula sa pagsasalita ng Italyano hanggang sa pasikot-sikot sa negosyo. Ang kapital upang maitayo ang restaurant ay pinagtulungan nila ng kaniyang kapatid. Hindi man kalakihan ang nailabas na puhunan ngunit dahil sa tiwala ng mga supplier kay Malabanan ay naitayo ang kauna-unahang Chef Nestor Sushi bar noong 2013. 

Tibay at lakas ng loob bukod sa kaniyang expertise sa Japanese cuisine ang laging bitbit ni Malabanan na naging susi din upang agad na makilala ang kanyang restaurant sa Pescara at sa loob ng tatlong taon ay nakapagtayo pa ng dalawang branches.

"Kailangan lang lakasan ang loob. Huwag natin iisipin na dayuhan tayo dito na hindi ito yung sariling bansa natin, wala sa kulay kung gugustuhin natin kakayanin natin," ani Malabanan.

Napakaraming Pilipino na rin ang natulungan ni Malabanan na magkaroon ng trabaho. Sa ngayon ay may 40 Pinoy at 17 Italians na staff si Malabanan, kasama na ang kaniyang kapatid.

"Tuwang-tuwa kaming mag-asawa na nagkaroon ng restaurant itong aking kapatid at saka nakakatulong sa ibang Pilipino," ani Rogelio, kapatid ni Malabanan.

Ang isa sa mga manager ng kaniyang restaurant ay ang Italian na si Francesco Cavello na hanga sa narating ni Malabanan.

"Chef Nestor is a kind-hearted person who has helped a lot of Filipinos to integrate themselves in Italy even here in Pescara," ani Cavello.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.