MELBOURNE, AUSTRALIA - Idinaos noong September 3 ang Kwentong Pinoy Family Festival na may temang Balikatan para sa Kalikasan, (shoulder to shoulder for the environment) na layong maisulong at maituro sa mga bata ang environmental awareness kung saan lumahok ang may mahigit 120 participants kabilang na ang 40 batang Fil-Aus.
Mga lumahok sa Kwentong Pinoy Family Festival
Binigyang diin naman ni Philippine Consul General Maria Lourdes M. Salcedo ang kahalagahan ng mga kwentong nagpasalin-salin na sa iba-ibang henerasyon mula sa ating mga ninuno sa pagbabahagi ng mga mensahe ng pangangalaga sa kalikasan.
Nagtanghal naman sa nasabing event ang The Kiko Choir, isang Filipino-Australian choir at inawit nila ang OPM hit na “Paraiso” kasama si Chedi Vergara na bahagi ng dating grupong Smokey Mountain.
Ayon pa sa Philippine Consul General o PCG ng Melbourne, Australia, tinuruan din ang mga bata kung paano awitin ang “Bahay Kubo” kung saan ipinaliwanag din ang kahulugan ng lyrics nito at ibinahagi rin ang English translation.
Kabilang din sa mga aktibidad para sa mga bata ang puppet-making, jewelry-making, at card-making na may kinalaman sa pangangalaga ng kalikasan.
Nagtapos ang event sa storytelling session ni Augie Rivera ng “Bayan ng Basura,” na nagpapakita ng peligro mula polusyon sa mga tubig yaman.