PatrolPH

Mga preso na nakatakas sa selda sa Israel naghukay mula pa noong Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2021 01:08 PM

Natagpuan ng mga awtoridad ang escape tunnel na ginamit ng 6 na Palestinong preso para makatakas sa Gilboa Prison sa Israel noong September 6, 2021. Agence France-Presse
Natagpuan ng mga awtoridad ang escape tunnel na ginamit ng 6 na Palestinong preso para makatakas sa Gilboa Prison sa Israel noong September 6, 2021. Agence France-Presse

Disyembre pa lang ay nag umpisa nang maghukay ng escape tunnel ang mga Palestinong preso na nakatakas sa high-security Israeli jail ngayong Setyembre, ayon sa abogado ng dalawa sa mga pugante ngayong Miyerkoles. 

Anim na inmate ang tumakas sa Gilboa jail sa northern Israel noong September 6 matapos maghukay sa ilalim ng lababo ng kanilang selda para makalaya. 

Apat sa kanila ang naaresto na matapos ikasa ang malawakang manhunt sa Israel at occupied West Bank, ayon sa mga awtoridad. 

Isiniwalat ng mga abogado ng dalawang naaresto na sina Mahmud Abdullah Ardah at Yaqub Qadri ang ilang detalye sa kanilang pagkatakas. 

"Mahmud told me he started digging (the tunnel) in December," sabi ng abogado niyang si Roslan Mahajana sa Agence France-Presse habang bumibisita sa kulungan. 

Sinasabing si Ardah ang nanguna sa pagtakas, na ginamitan umano ng kutsara, plato at hawakan ng isang kettle para hukayin ang parte ng kanilang selda. 

"They started questioning him after his arrest because they believe he was the one who planned and implemented the operation," sabi ng abogado. 

Kapareho rin ito ng pahayag ng abogado ni Qadri. 

"Mr Qadri told me that this process started on December 14 and that this is what he told the Israeli investigators," anang abogado ni Qadri na si Hanane Khatib. 
 
Sa isang panayam sa Palestinian television, sinabi ng abogado na natuwa ang kaniyang kliyente kahit na naaresto siya dahil nakapaglibot umano ito nang limang araw. 

Wala pa talagang plano ang mga inmate na tumakas noong Setyembre 6, pero kinailangan umano nila itong gawin dahil nangangamba na silang pinagsususpetsahan na sila ng mga prison guard, ayon sa abogado. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.