Lutong Pinoy patok sa restaurant ng dating au pair sa Netherlands

Jofelle Tesorio, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 05:00 PM

Pakiramdam ng mga customer na parang nasa Pilipinas lang sila tuwing kumakain sa restaurant ni Vivienne Knol-Tinapay. Jofelle Tesorio, ABS-CBN News

THE HAGUE- Kahit nagluluto ng Pinoy food ang mga kababayan sa ibang bansa, iba pa rin ang pakiramadam kung sa isang Filipino restaurant kakain ng paboritong kare-kare, dinuguan, bopis o sisig.

Ito ang obserbasyon ni Vivienne Knol-Tinapay, dating au pair, na ngayon ay may-ari na ng nag-iisang Pinoy restaurant sa The Netherlands.

“Iyong mga Pilipina na nakapag-asawa ng mga Dutch nakakapagluto naman sila sa bahay di ba? Pero iyong mga bopis at sisig, iyon ang pinakamahirap na gawin mo sa bahay. Lalo na kung kasama mo 'yang asawa mo. Kayo lang dalawa ang kumakain o kasama mo mga anak mo. Hindi ka naman puwede mag-serve ng dinuguan kasama sila,” ani Knol-Tinapay, may-ari ng restaurant na Baryo Pilipinas.

Ito ang dahilan ng mga Pinoy para dumayo pa sa The Hague tulad ng magkakaibigang sina Lyn Palomar, May Ibalio at Sandra Padilla na halos dalawang oras bumiyaha mula Groningen.

Bukod sa pagkain, tatak Pinoy daw ang ambiance ng restaurant. May life-size na jeepney na naka-display kung saan nakapatong ang tila tunay na sculpture ng litson. Puno rin ng larawan ng tourism destinations at sari-saring Pinoy artworks ang restaurant. May Philippine flag pa sa labas kaya talagang agaw-pansin.

Ang kadalasanag ino-order ng mga customer ay bangus-silog, sisig, dinuguan, binagoongan at Pinoy bilao.

“Iyon kasi ang mahirap mahanap at maluto,” ayon ka Ibalio.

Patok na patok din sa Baryo Pilipinas ang boodle fight kung saan nakalatag sa mesa ang dahon ng saging at pupunuin ng iba-ibang putaheng Pinoy gaya ng abodo, lumpia, inihaw na pusit, alimasag, barbecue, calamares at iba pa. May kasama itong dessert na Philippine mango at pakwan.

Patok din sa Baryo Pilipinas ang boodle fight kung saan nakalatag sa mesa ang dahon ng saging na may iba't ibang putaheng Pinoy kasama na ang panghimagas. Jofelle Tesorio, ABS-CBN News

Hindi rin mawawala ang halo-halo na may Pinoy ice cream, buko-pandan, mais con yelo at leche flan.

Pumunta sa Netherlands bilang au pair si Knol-Tinapay at kalaunan ay nagtrabaho sa mga hotel at nakilala ang kaniyang asawa.

Taon 2014, tinake-over nila ang mga gamit ng nagsarang Pinoy bistro at ngayon ay limang taon na ang kanilang family business. Katulong niya sa restaurant ang asawa at mga anak.

“It’s fun because there’s always somewhere to go when you have to eat and you don’t have time. It’s nice to meet other Filipinos and show other people our culture,” ayon kay Charisse Knol, anak ni Viviene.

Ang mga Dutch ay hindi masyadong ma-eksperimento sa pagkain at ang popular lang sa kanila ay Indonesian, Thai, Indian at Chinese food. Hindi pa kilala ang Filipino food.

Kaya nais ni Knol-Tinapay na pasikatin ang Filipino food sa mga Dutch.

“This is the only Filipino restaurant now in Holland left from all other restaurants. That’s why we always are coming from Amsterdam to The Hague. Most of the time I take always Kaldereta,” ayon kay Dick Erdhart na may asawang Pinay.

Nasa tabi lang ng city hall ng The Hague ang restaurant kaya swak and lokasyon para sa mga Dutch at mga turista. Plano niyang magkaroon ng simpleng Pinoy lunch menu na papatok sa mga nag-oopisina.

“Iyon lang ang hope ko, sana na mag-stay siya ng matagal. Kailangan i-introduce natin ang Filipino food kasi masarap talaga ang pagkain ng mga Pinoy,” dagdag ni Knol-Tinapay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.