PatrolPH

Nanay sa Japan na nambugbog, pumaslang sa 3 buwang sanggol, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2021 12:54 PM


Arestado ang isang 23 anyos na ina nitong Huwebes sa Japan sa pambubugbog nito sa kaniyang 3-buwang gulang na paslit sa kanilang bahay nila sa Takamatsu, na nauwi sa pagpanaw ng sanggol. 

Umamin ang ina na si Ayami Tsumori na pinagbubugbog niya ang paslit niyang si Minato sa ulo dahil ayaw umano nito tumigil sa pag-iyak.

Lumabas sa autopsy na may bali ang bungo at tadyang ng bata. 

Ayon pa sa pulisya, pinagsususpetsahan nilang gumamit ng karahasan ang ina sa kaniyang anak nitong Hulyo at nitong Huwebes.

Huwebes ng umaga nang tumawag ng ambulansiya si Tsumori para sabihing hindi na humihinga ang kaniyang anak. 

Nang dumating ang rescue workers, walang malay ang bata at idineklarang patay sa ospital.

Nakatira rin sa bahay ang 25 anyos na asawa at 1 anyos nilang anak. Pero nasa trabaho ang kaniyang mister nang dumating ang mga rescuer sa kanilang bahay. 

Ayon sa mag-asawa, buhay pa ang paslit noong Miyerkoles ng gabi. 

Wala namang indikasyon na inabuso ang 1 anyos na batang babae, ayon sa pulisya. 

— Isinalin mula sa ulat ng Kyodo News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.