HONG KONG - Nag-viral ang video kung saan makikita ang pananakit ng babaeng amo sa OFW na itatago natin sa pangalang ‘Maria.’
Kita rin sa video na tila inaambahan na ring sakalin ng kanyang amo si alyas Maria. Nakapiglas ang OFW at nakahingi ng tulong habang arestado naman ang among babae.
Nito lang Hulyo namasukan si Maria sa bahay ng nasabing babae bilang household service worker. Pero hindi natagalan niya natagalan ang hindi maayos na pakikitungo sa kanya ng amo. Kaya nitong Agosto a-nueve, nagbigay na siya ng one-month notice sa kanyang amo alinsunod sa patakaran ng Hong Kong.
“At that time nalaman ko na ganun pala yung scenario namin doon nagpasa na ako ng Aug. 9 doon sa agency ko at saka sa employer ko na magre-resign ako after a month,” kwento ni ‘Maria.’
Pero nitong Agosto a-disi otso, pinagalitan siya ulit ng kanyang amo kaya nagpasya na siyang mag-resign ng mas maaga. Sa pamamagitan ng Facebook live, naipakita ni Maria ang pananakit sa kanya ng amo.
“Nag-explain ako sa agency ko sabi ko, kailangan ko rin ng self-defense. Eto lang ang magiging way ko na made-defense ang sarili ko yun wala akong ginawa sa kanila yung pinagbibitangan nagnakaw hindi yun totoo. Yun lang gusto ko patunayan,” sabi ni ‘Maria.’
“No superficial injury was found and the victim was sent to CFC in conscious state. And the employer of the victim. She’s arrested for assault...The arrested person was on post bail and will report back in mid-September,” pahayag ni Hong Kong Police Duty Officer Elaine Shek.
Dumulog si Maria sa Migrant Workers Office sa Hong Kong. Bagamat hindi siya makakakuha ng financial compensation, iba-blacklist naman ang kanyang employer para hindi na maka-recruit ng mga dayuhang manggagawa.
Sa 2016 research ng Justice Center, isang local non-profit organization sa Hong Kong, naitala ang iba-ibang uri ng pang-aabuso ng mga employer sa mahigit isanlibong migrant domestic workers na isinailalim sa survey. Kabilang dito ang pagbabanta, pagsasabi ng masasakit na salita at pambubulyaw.
“Noong nag COVID, medyo tumaas siya. Nag-average kami ng 2,000 a year. At yan mahirap i-determine ngayon kasi ang physical assault o sexual assault happen inside the house in Hong Kong, a domestic worker, a foreign domestic worker is required to live in. At itong mga crimes na nangyari kung saan ang hirap ma-establish ang evidence,” ani Mission for Migrant Workers General Manager Cynthia Abdon-Tellez.
Nagpapasalamat naman si Maria sa mga sumuporta sa kanya at nakauwi na rin siya sa Pilipinas:
“Hindi lamang maging matapang pero kailangan natin po isipin yung sarili natin. Kasi sarili lang natin yung ating puhunan.”
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.