TFC News

Batch 1 ng Filipino scholars, nakabiyahe na pa-South Korea sa gitna ng travel ban

Annalyn Mabini | TFC News

Posted at Aug 25 2021 03:16 PM | Updated as of Aug 25 2021 10:25 PM

SOUTH KOREA -- Nakabiyahe na papuntang South Korea nitong ika-23 hanggang 25 ng Agosto, 2021 ang batch 1 o kalahati sa 39 Filipino scholars sa kabila ng travel ban na pinaiiral ng Sokor. Kabilang ang 39 Filipinos sa napili at pumasang scholars sa 2021 Global Korea Scholarship o GKS fellows. Ang GKS ay isang government-run scholarship program.

Sa panayam ng TFC News sa Pangulo ng GKS Philippines Alumni Association o PHAA na si Prof. Ronel Ortil Laranjo, ibinahagi niya ang layon ng programa.

“Global Korea Scholarship is designed to provide international students with opportunities to study at higher educational institutions in Korea at graduate-level degrees, which will enhance international education exchange and deepen mutual friendship between Korea and participating countries,” pagbabahagi ni Prof. Laranjo.

GKS
Ang online pre-departure orientation para sa 39 Filipinos na napasali sa 2021 GKS Fellows na ginanap noong ika-13 ng Agosto, 2021

Nagawaran ang batch 1 scholars ng special entry visa for foreigners sa bisa ng government-sponsored scholarship.

“Nagkaroon ng ban sa pag-i-issue ng visa sa mga foreigner from specific countries, kabilang ang Pilipinas. Although nabigyan ng special entry visa ang mga foreigners na makakatanggap ng government sponsored scholarship, kaya naman nabigyan kami ng visa, at kalahati sa amin ay nakalipad na...and I think 20 pa kaming naghihintay ng bagong schedule,” kuwento ni Prof. Darryl Francis Mecate Sandoval sa panayam sa kanya ng TFC News.

Isa ang 32 anyos na si Prof. Sandoval sa 39 Filipinos na napili bilang isa sa thirty nine (39) 2021 GKS fellows. Nakapagtapos siya ng Bachelor of Secondary Education mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at nakapagsimula ng Masters of Sociology sa parehas na unibersidad. Nitong Linggo, August 22 dapat ang kanyang flight ngunit na-reschedule ang kanyang biyahe.

“NIIED (National Institute for International Education) had to control the number of foreign entry to the country so they divided the scholars into two, one batch who will push thru with the original flight, and another batch who will be rescheduled. Unfortunately, I was included in the second batch and we are still waiting for the new schedule,” ani Prof. Sandoval.

GKS
(Left) Si Prof. Sandoval sa kanyang exchange High School Teacher stint sa Korea taong 2018. (Right) Kasalukuyang larawan ni Prof. Sandoval

Na-reschedule man ang paglipad ni Prof. Sandoval patungong South Korea, malaki ang pasasalamat niya sa scholarship na iginawad sa kanya ng gobyerno ng South Korea.

“...abot-langit ang aking tuwa nang sa wakas ay matutupad ko na ang isang pangarap. I feel lucky that among the many Filipinos that applied this year through the Embassy track, I was one of the chosen ones, and I can’t thank the Korean Government enough for this big opportunity.

Ako ay mag-aaral ng Global Culture Contents sa Chungnam National University, ngunit bahagi ng programa ng GKS ay ang isang taon na pag-aaral ng Korean Language. Isang taon ang aking gugugulin sa Dongseo University sa Busan, South Korea upang mag-aral ng Korean at dalawang taon para masters proper,” kuwento pa ni Prof. Sandoval.

Ayon naman kay GKS PHAA Pres. Laranjo, fully funded ang scholarship at sagot ng SoKor government ang lahat ng gagastusin ng iskolar kasama na ang airfare, tuition fee, monthly allowance, language training fee at iba pa. Siya rin ay nabigyan ng GKS scholarship. Kinuha niya ang kursong MA Applied Linguistics sa Korea University noong 2011 hanggang 2014. Ibinahagi niya ang mga libreng ibinigay ng SoKor government sa kanyang pag-aaral.

“PhP38,000+ monthly allowance for 3.5 years, PhP193,000+ per semester (5 semesters) for tuition fee, PhP 42,000+ per class (4 classes) of Korean Language, PhP 30,000 for research and other allowances, plus airfare,” ani Prof. Laranjo.

Napakahalaga ng kanyang natutunan at libre pang ibinigay sa kanya kaya naman napapakinabangan na niya ang mga bagong kaalaman sa kanyang pagtuturo sa UP Diliman.

“Kasalukuyan akong nagtuturo sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas kaya nagtuturo ako ng Filipino sa mga banyagang mag-aaral at maging ng ugnayan ng wika, kultura at lipunang Pilipino at Koreano sa mga Pilipinong mag-aaral. Nakakapagsalin din ako ng mga dokumento, aklat, dokumentaryo mula wikang Koreano patungong Filipino/Ingles. Nakakanood din ako ng K-Drama nang walang subtitle,” kuwento ni Prof. Laranjo.

gks
Si GKS PHAA President Prof. Ronel Ortil Laranjo nang siya ay ma-appoint bilang 2021-2023 GKS Publicity Envoy

Malaki ang pasasalamat ni Prof. Laranjo sa gobyerno ng Korea sa pagbibigay ng oportunidad at pagtulong sa mga Pilipino sa larangan ng libre at kalidad na edukasyon.

“...I am glad that the GKS Filipino scholars were granted visa by the Korean government to start their studies. But at the same time, I feel sad because there are more than 80 Filipino students who are still currently stranded in the Philippines and can not enter Korea because they have private or university-based scholarship...I am appealing to the Korean government to allow them to travel to Korea too to finish their studies,” panawagan ni Prof. Laranjo.

May mensahe naman si Prof. Sandoval sa mga kababayang nagnanais ding maging iskolar sa South Korea o sa iba pa mang bansa:

“Dreams do come true. Ipanalangin sa Diyos ang iyong mga pangarap at pagtrabahuhan ito. Hindi natin malalaman kung saan ang kaya nating marating kung hindi tayo lalayo."