98 undocumented OFWs sa UAE, pauwi na ng Pilipinas

Randy Lamsen, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 01:07 AM | Updated as of Aug 16 2018 03:25 AM

Pauwi na ang 98 undocumented at overstaying overseas Filipino workers (OFWs) mula sa United Arab Emirates.

Inaasahang darating sila sa Maynila alas-8 ng umaga Huwebes.

Simula nang ipatupad amnesty program noong Agosto 1, may 280 amnesty applicant ang nagbigyan ng exit pass ng Philippine Consulate General sa Dubai.

"Ang mga kababayan po nating uuwi ay ini-sponsoran ng ating gobyerno na bayaran ang kanilang mga exit permits, ang kanilang lifting of absconding fee at ang kanilang 1-way ticket papuntang Maynila," ani Consul General Paul Cortes. "At hindi lang po yun, mayroon silang karagdagang welfare assistance na binibigay para sa lahat ng mga kababayan nating uuwi."
 
Tatagal ang amnesty program ng tatlong buwan at magtatapos sa Oktubre 31.
 
"Ang susunod na batch ng ating amnesty seekers ay slated to go home on August 25th at inaayos pa po namin together with the airlines ang kanilang mga ticketing para sa 2nd batch," ani Cortes.

Samantala sa Abu Dhabi, umabot na sa 20 OFW ang nagbigyan ng exit pass.
 
Limang taong walang visa si Marcela Tomlayon at bagamat hindi naging masaya sa karanasan niya sa kaniyang trabaho, lubos ang kaniyang kasiyahan at pasasalamat sa gobyerno ng UAE sa programang ito.
 
“Umaapaw na po yun saya dahil meron na itong programa ng amnesty na pinapauwi lahat yun mga walang papel at maraming salamat din po sa lahat lahat ng tulong nila sa consulate, sa pera na binibigay ngayon at saka sa ticket," aniya.
 
Para kay Marilou Destura, hindi madali ang maging undocumented sa ibang bansa.
 
“Mahirap na masaya kasi una, patago-tago, tapos masaya din kasi may trabaho ako, pagtapos ng buwan may sweldo kaya lang ngayon, bale 5 months na akong walang trabaho," aniya.
 
Hindi pa man kasama sa plano ng mga OFW ang pag-uwi sa Pilipinas, masaya na rin sila dahil muli nilang makakapiling ang kanilang mga mahal sa buhay at umaasa na maaari uli silang sumubok at makabalik para magtrabaho sa UAE.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.