Pinay, patay sa window cleaning accident sa Italy

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 08:52 AM | Updated as of Aug 14 2019 09:29 AM

Patay ang 54-anyos na Pinay domestic helper nang mahulog ng 30-metro mula sa ikaapat na palapag ng isang gusali sa Milan, Martes ng umaga. 

Agad na rumisponde ang pulisya at ambulansya. 

Ayon sa inisyal na imbestigasyon na nailathala sa mga pahayagan sa Italya, naglilinis ng bintana ang Pinay nang mawalan ng balanse at mahulog.

Mag-isa ito sa bahay nang mangyari ang insidente habang nasa Greece ang kaniyang mga amo.

Isasailalim sa imbestigasyon ang employer ng Pinay at maaring humarap sa kasong culpable homicide dahil sa pangyayari. 

Ang window cleaning ay isa sa mga pinakadelikadong trabaho sa buong mundo. Sa Italya, kung saan karamihan sa mga Pilipino ay nasa household service sector, kasama ang paglilinis ng mga bintana ng bahay at establisyimento sa kanilang trabaho na walang kaukulang protective gear at equipment.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.